NA-RESCUE ng Philippine National Police Anti-kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang Korean national habang nasilo naman ang apat na dumukot dito sa Intramuros, Manila.
Sinabi ni PNP-AKG Acting Dir. S/Supt. Glenn Dumlao, kinilala ang nasagip na biktimang si Lee Jung Dae. Si Lee ay na-rescue nitong November 25 matapos siyang sapilitang tangayin sa kanyang bahay sa Balibago, Angeles City, Pampanga noong November 24.
Ayon kay Dumlao, ang tatlong suspek na nakilalang sina Cha Jae Young (Korean national), Cha Dae Sun (Korean), at Raymond Flores (Filipino), ay naaresto habang binabantayan ang biktima sa loob ng isang kotse na nakaparada malapit sa BI office sa Intramuros, Manila.
Samantala, ang pang-apat na suspek na si Kim Min Kwan alyas Michael Lim (Korean), ay nadakip sa isang follow-up operation sa Padre Faura, Manila, na ilang metro lamang ang layo sa kanyang condominium unit sa Robinsons Tower 1 sa Ermita.
Ayon kay Dumlao, ang mga suspek at nagsabwatan para manmanan ang biktima na nagmamay-ari ng isang restaurant sa Pampanga.
Ayon sa PNP-AKG, naunang humingi ang mga suspek ng ransom na halagang P1.2-milyon, na idineliber ng nobya ng biktima sa Marquee Mall sa Angeles City.
Subalit hindi pinalaya ang biktima at sa halip ay dinala sa Intramuros, para muling humingi ng karagdagang P1.2-milyon.
Sa puntong ito, dumulog na ang nobya ng biktima sa awtoridad na agad naglatag ng entrapment operation laban sa mga suspek. BOBBY TICZON