NANITA umano sa naghahalikang magsyota kaya binaril ng isang 18-anyos na lalaki ang isang seaman sa isang eskinita sa Sta. Ana, Maynila kagabi.
Ginagamot ngayon sa Sta. Mesa Lourdes Hospital ang biktimang si Manuel Banares, 56, may asawa, seaman, ng 2827 Lamayan St., Sta. Ana, na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng tainga.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Omar Vinarao, 18, binata, walang hanapbuhay, ng 2801 Alley 1, Lamayan St., Sta. Ana.
Naganap ang insidente dakong 11:35 ng gabi sa eskinita sa tabi ng Botikang Pinoy, Alley 2 St. sa Sta.Ana.
Sa imbestigasyon ni PO2 Rey Rabut, ng Manila Police District (MPD)-Station 6, naglalakad ang biktima sa lugar nang madaanan ang suspek at ‘di nakilalang nobya nito habang naghahalikan sa eskinita kaya’t sinita niya ang mga ito at sinabihang, “Bakit dito pa kayo naghahalikan?”
Dahil sa pakikialam at paninita ng biktima ay nagalit ang suspek kaya agad na bumunot ng baril at pinutukan ito saka mabilis na tumakas, kasama ang nobya at bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Isinugod naman sa pagamutan ng saksing si Edgardo Baterbonia ang biktima upang malunasan. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN