PUSPUSAN na ang paghahanda at pagbili ng modernong kagamitan ang pamahalaang lungsod ng Maynila para sa anumang kalamidad lalo na ang “The Big One”.
Sinasanay na rin maging ang mga rescuers ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) gayundin ang mga volunteer members ng Manila Community Emergency Response Teams (MCERTs) na binuo sa bawat barangay upang maging first responders sa anumang uri ng emergency.
Tiwala naman si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na magiging maayos ang pagresponde ng mga rescuer ng lungsod sakaling tumama na sa Kamaynilaan ang kinatatakutang “The Big One”, o ang 7.2 magnitude na lindol.
“But we won’t stop here,” pagdidiin ni Estrada. “We still have so much things to do and prepare. In fact, we will be procuring more state-of-the art equipment and tools to deal with any disasters,” dagdag pa niya.
Ang ilan sa mga bagong kagamitan na binili ng pamahalaang lungsod ay ang P30-milyong mobile command center o Incident Command Unit, Hazmat (hazardous material) vehicle, mga heavy duty rescue truck, amphibious truck, at isang mobile kitchen at dadagdagan pa ito para italaga sa bawat distrito ng lungsod.
Ayon naman kay MDRRMO chief Danny Yu, nirekomenda na nila kay Estrada na bumili pa ng 12 rescue trucks.
Ayon sa 2004 Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS) ng Japan International Cooperation Agency (JICA), 35,000 katao agad sa Metro Manila ang mamamatay sa unang isang oras pa lamang, habang 100,000 ang sugatan at 500 sunog agad ang magaganap kapag tumama ang ‘The Big One’.
Dahil tinuturing na lumang siyudad na ang Maynila at karamihan sa lupain nito ay below sea level, tinagurian itong “most vulnerable” sa malalaking sunog, pagbaha, at mga tsunami mula sa Manila Bay, ayon pa sa naturang pag-aaral.
Ayon pa rito, ang pinakalubhang maapektuhan ng malakas na lindol sa Maynila ay ang Manila North Port Area, South-Eastern Manila, at Central Manila Bay Area. Dito ay 170,000 na kabahayan agad ang guguho habang 1,710 ektarya ng lupain ang lalamunin ng apoy, na magreresulta sa karagdagan pang 18,000 katao na mamamatay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN