KINASUHAN ang isang barangay kagawad matapos itong ireklamo ng sa bantang paghahagis ng granada sa mga obrero na nagtitibag ng pader sa Quiapo, Maynila.
Nahaharap sa kasong grave threat, grave coercion at tresspassing ang isinampa laban kay Rowell Peno, kagawad ng Brgy. 386, taga-438 J. Nepomuceno St., Quiapo, Maynila dahil sa reklamo nina Angelita Aquino, 40, mango dealer, ng 429 Balmes St., Quiapo, Maynila, at Manuel Tabasa, construction worker, 45.
Dakong alas-11:00 kaninang umaga nang magbanta ang opisyal ng barangay habang tinitibag nila Tabasa ang ‘firewall’ sa nabiling pag-aari ni Aquino.
Sa imbestigasyon ni SPO2 James Poso, imbestigador ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), dumating ang suspek at sinabihan ang mga construction worker ng “’pag hindi kayo tumigil diyan ga-granadahin ko kayo.”
Dahil sa takot, nagtakbuhan ang mga construction worker at nagsumbong kay Aquino.
Agad na pinuntahan ni Aquino ang lugar ngunit maging siya ay pinagbantaan din ng kagawad na hahagisan ng granada dahilan para magreklamo sa Barbosa Police Community Precinct (PCP) at kalauna’y pinalipat siyang magreklamo sa MPD-GAIS.
Sa pulisya, mariin namang itinanggi ng suspek na hahagisan nito ng granada ang mga complainant. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN