Quantcast
Channel: manila – REMATE ONLINE
Viewing all 302 articles
Browse latest View live

Baril pinaglaruan, totoy patay

$
0
0

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng isang 16-anyos na binatilyo nang aksidenteng pumutok ang pinaglaruang baril habang nagpapahinga sa loob ng kuwarto kasama ang mga kaibigan sa Paco, Maynila.

Kinilala ang nasawing si Aldrin Cahilig, 16, Grade 8 student, ng 1926 Anakbayan St., Paco, Maynila na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib, habang pinaghahanap naman ang dalawang suspek na si Baste, 15, at Paulo, 16, kapwa Grade 8 student, na hindi na nakita nang ihatid sa Philippine General Hospital (PGH).

Sa ulat ni ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente alas-2:30 ng hapon sa 2nd Floor ng Unit A, 12 JML Compound, 1440 Linao St., Paco.

Nabatid na ginising si Maricris Hantic, ina ni Baste, ng kanyang biyenan matapos makarinig ng putok ng baril nanggaling sa kuwarto ng anak.

Agad na tinungo ng kaanak ang kuwarto ng biktima at dito na nakitang buhat nina Baste at Paulo si Cahilig na duguan.

Alas-3:11 ng hapon nang ideklarang patay ang biktima. Kilala umano si Baste na nanunutok ng baril.

Gayunman, patuloy ang imbestigasyon kung sinadya o aksidente lamang ang nangyaring pagkakabaril sa biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


MPD drug ops, 4 patay

$
0
0

APAT ang patay habang arestado naman ang isa pa sa isinagawang drug operation ng Manila Police District (MPD) sa magkahiwalay na lugar sa Binondo, Sta. Cruz at sa Tondo, Maynila kagabi.

Kinilala ni PO3 Bernardo Cayabyab, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, ang unang dalawang biktima na sina Gabriel Garcia, alyas “Baba” na nasa watchlist ng drug personality sa lugar, 24, at Tonton Balasa, 28, taga-250 Gate 50 Area B, Parola Compound, Binondo na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo.

Arestado naman ang isa nilang kasama na nakilalang si Gerald Garcia, 22, na nakuhanan ng isang sachet ng shabu.

Isang impormante umano ang nagbigay ng impormasyon sa nangyayaring pot session sa lugar at nang puntahan, sa halip na sumuko ay tumakbo ang dalawa sa kuwarto at kumuha ng baril dahilan para paputukan sila ng mga pulis.

Habang pinagbabaril naman ng mga suspek na sakay ng tatlong motorsiklo ang mga biktimang sina Oscar Abella, 55, ng 2123–B Ilustre St., Brgy. 362 Zone 36, Sta. Cruz, at isang alyas Ajit, naka-asul na sleeveless T-shirt at gray na short na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nauna rito, nagkukwentuhan ang mga biktima nang dumating ang mga suspek na nakasakay sa tatlong motorsiklo at kaagad na pinagbabaril ang mga biktima.

Sa kaliwang kamay ng biktima ay may nakita namang papel na may nakasulat na “Huwag mo na kong tularan, pusher, adik ako at drug den ang bahay ko.” JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Pasaway na illegal vendors, ikukulong- Erap

$
0
0

NAGBABALA si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa mga illegal vendors na aarestuhin sila at ipakukulong sakaling mahuli sila ng mga awtoridad na bumabalik sa mga sidewalk at kalsada kung saan pinagbawalan na silang magtinda.

Ito ang pahayag ni Estrada upang tuluyan nang malinis ang mga kalsada sa Maynila partikular na sa Divisoria, Blumentritt at Rizal Ave. upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga nasabing lugar.

Napag-alaman namang may nasampolan na limang illegal vendors sa Blumentritt na inaresto at dinala sa Manila Prosecutors Office upang ma-inquest sa kasong obstruction.

“Tuluy-tuloy na ‘to. No let up. ‘Yung mga babalik ipapapakulong. Pinagbigyan ko na sila. I’ll be very strict,” ani Estrada.

Nilinaw naman ni Estrada na hindi umano niya layong alisan ng hanapbuhay ang mga vendor sa mga nasabing lugar sa halip ay isinasaayos lamang niya ito upang hindi makasagabal sa mga motorista gayundin sa mga pedestrian.

“Siyempre naaawa din ako, that’s their only livelihood. Pero marami nang complaints, lalo na mga taxpayers and motorists,” paliwanag ni Estrada.

Maging ang mga sasakyan na nakaparada sa kalsada na nakakasagabal sa daloy ng trapiko ay wawalisin ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila gayundin ang mga iligal na terminal.

Ayon kay Che Borromeo, pinuno ng Task Force Manila Cleanup, kinasuhan na sa Manila Prosecutors Office ang limang vendors na hinuli nila sa Blumentritt. Nahaharap sa kasong paglabag sa Manila City Executive Order 004 o ang Zero Obstruction policy ng lungsod. JAY REYES

5 nagpakilalang NPA, tiklo sa pangingikil

$
0
0

ARESTADO ang limang opisyal at miyembro ng isang labor group na nagpakilalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at nangikil ng P100,000 sa isang kumpanya, sa isinagawang entrapment operation ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) sa isang fastfood chain sa Intramuros, Maynila.

Nakadetine sa MPD-Integrated jail ang mga suspek na nakilalang sina Alicia Apurillo, 63, Presidente ng National Workers Brotherhood (NWB) na may opisina sa Rm. 201 LA Building, M.H. del Pilar St., Grace Park, Caloocan City at taga-#36 Rodriguez Subd., Dampalit, Malabon City; Armin Bulon, 46, Vice President ng NWB, taga-22 Gasper St., Pacheco Village, Malinta, Balubaran, Valenzuela; Justo Dingal, 50, staff ng NWB, at taga-57 Banana Rd., Potrero, Malabon; Oscar Alcoy, 40, staff ng NWB, ng 9 Tercia Cmpd., Industrial St., Karuhatan, Valenzuela; at Victor Dingal, 42, staff ng NWB at taga-5094 MAcopa St. cor. SV Ferrer Camarin, Caloocan.

Sa ulat, naaresto ang mga suspek sa isang entrapment operation dakong 10:30 ng umaga sa McDonald’s sa Intramuros, Maynila matapos magreklamo si Eduardo Galope, ng Ayin Corporation.

Nabatid na inimpluwensiyahan ng mga suspek ang mga empleyado ng Ayin na mag-strike sa harap ng kanilang tanggapan sa Proj. 8, Quezon City at isulong ang pagsasampa ng kasong “illegal dismissal” at “unfair labor practice” ng mga apektadong empleyado sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Kinausap din ng mga suspek ang may-ari ng kumpanya na tatapusin na ng mga empleyado ang pagwewelga at iuurong na rin ang demanda sa DOLE, kapalit ng P150,000.

Kinagat naman ng management ng Ayin ang alok ng mga suspek at tinawaran ang areglo sa halagang P100,000.

Noong Hulyo 26 ay una na umanong nabigyan ng P50,000 ang mga suspek at ang ikalawang payment ay itinakda kamakalawa.

Gayunman, nakatunog ang may-ari ng kumpanya na hindi alam ng mga empleyado ang ginawa ng limang suspek kaya nagreklamo sa pulisya at ikinasa ang entrapment operation.

Sinampahan ng kasong extortion at grave coercion sa Manila Prosecutors Office ang mga suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Nag-amok, tepok sa parak

$
0
0

LIMANG tama ng bala ang ibinaon sa katawan ng isang 29-anyos na lalaki matapos mag-amok kaninang madaling-araw sa Sta. Cruz, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang suspek na si Randy Flores, 29, ng 840 Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila.

Sa pagsisiyasat, dakong 1:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa likuran ng Philippine Rabbit Terminal sa nasabing lugar.

Sakay ng Mobile Car 384 sina PO1 Wilson Panganiban, PO1 Eric Reyrata at PO1 Glenn George Mendoza, ng Plaza Miranda PCP, nang makatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen na may isang lalaking nagwawala at namamaril sa harapan ng In and Out Restaurant sa Rizal Ave. kanto ng Claro M. Recto Ave.

Nang dumating sa lugar ang mga awtoridad, sinabi ng mga tambay na nakatakbo na ang suspek patungo sa Oroquieta St. kaya agad nila itong sinundan.

Namataan ng mga pulis ang suspek na tumugma sa deskripsyon ng mga testigo, at nakatayo sa isang eskinita.

Hindi pa man nakalalapit ang mga pulis sa suspek upang siya’y kausapin ay bigla itong nagpaputok ng baril dahilan para gumanti ang mga pulis.

Dito na tinamaan sa kaliwang bahagi ng ulo ang suspek at sa iba’t ibang ng katawan sanhi ng agaran nitong pagkamatay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Mag-utol, dedo sa buy-bust

$
0
0

PATAY ang isang magkapatid na umano’y drug pusher sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya kagabi sa Sampaloc, Maynila.

Dead-on-the-spot ang magkapatid na sina Adrian, 62, at Albert Aguilar, 52.

Si Adrian ay nakitang nakabulagta sa ikalawang palapag ng kanilang bahay habang sa may hagdanan naman si Albert nakatira sa Brgy. 575 sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa pulisya, nagpositibo ang dalawa sa isinagawang surveillance kaya agad na ikinasa ang buy-bust opeartion.

Nanlaban umano ang magkapatid na pinabulaanan naman ng kanilang kamag-anak dahil wala umanong mga baril ang dalawa.

Narekober sa mga biktima ang ilang sachet ng shabu na may street value na P10,000 at dalawang .38 kalibre na umano’y ginamit ng dalawa sa panlalaban sa mga operatiba. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Lola nahagip ng tren, 2 paa putol

$
0
0

PUTOL ang dalawang paa ng isang 60-anyos na lola matapos mahagip ng tren ng Philippine National Railways (PNR) habang nagteteks sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Norma Taylan, ng 922 Antipolo St., Sampaloc, Maynila.

Sa pahayag ni Joey Domingo, naglalakad ang biktima patawid sa riles malapit sa España Station nang mahagip ng tren na patungong Tutuban dakong 5:00 ng madaling-araw kahapon.

Napansin ding may hawak na cellphone ang biktima na tila may kateks kaya hindi napansin ang tren na noo’y mabagal naman ang takbo bukod pa sa mahina na ang pandinig ng biktima.

Nagkahiwalay ang katawan ng biktima kung saan ang pumailalim ang dalawang paa nito sa tren habang ang kalahating katawan ay nakalabas sa riles.

Huminto naman ang operator ng tren nang mangyari ang insidente at tiningnan ang nangyari saka inalis ang putol na katawan ng biktima sa ilalim ng tren bago ito muling minaniobra dahil nakaharang ito sa crossing ng España na dinaraanan ng mga sasakyan.

Hindi naman nakuha ng mga nakakita sa insidente kung ano ang body number ng tren na nakasagasa sa biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Tumalon sa Ilog Pasig, bangkay nang lumutang

$
0
0

NAAAGNAS na nang lumutang ang katawan ng isang hardware helper matapos tumalon sa ilog Pasig sa Intramuros, Maynila.

Nakilala ang biktimang si Raymond Revilla, 23, ng Baseco Compound, Port Area, Maynila.

Alas-5:00 kahapon ng madaling-araw nang mamataan na palutang-lutang sa Pasig river malapit sa riverbank ng Plaza Mexico, likod ng Bureau of Immigration (BI), sa Intramuros ang biktima.

Huling nakitang buhay ang biktima na nakikipag-inuman sa pinsang si Rodelio Basierra sa 3M Beerhouse sa Muelle dela Industria sa Binondo noong Agosto 7 ng gabi.

Habang nag-iinuman, nakarinig umano ang biktima ng isang kapwa kostumer na lasing din na nagmumura, at inakalang siya ang pinatutungkulan nito, kaya’t nagalit ang biktima at nagbasag ng bote sa sahig.

Pinayapa naman umano ni Basierra ang biktima at niyayang umuwi na lamang.

Gayunman, habang naglalakad pauwi ay isang grupo ng mga kostumer rin ang kasunod nilang lumabas ng beerhouse.

Inakala ng biktima na sinusundan sila ng naturang grupo kaya’t kaagad itong tumalon sa ilog Pasig pero hindi na lumutang pa, hanggang sa matagpuan ang kanyang bangkay na wala nang buhay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Siklista, dedbol sa van

$
0
0

DEDBOL ang isang siklista matapos pumailalim sa isang van na kanyang nakabangga sa isang intersection sa Tondo, Maynila.

Binawian ng buhay makalipas ang ilang oras ang biktimang si Ramillito Negapatan, 23, ng Bldg. A 204 Kagitingan St., Tondo dakong 3:30 ng hapon sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).

Kasong reckless imprudence resulting in homicide with damaged to property naman ang kinakaharap ng suspek na si Ricardo Argente, 49, ng Don Pablo Subd., Ringon, Valenzuela na nasa kustodiya na ng awtoridad.

Sa imbestigasyon, naganap ang insidente ala-12:30 ng hapon sa Jose Abad Santos Ave. cor. P. Algue St., Tondo.

Binabagtas umano ng biktima sakay ng kanyang BMX bike ang northbound ng Jose Abad Santos Ave. nang pagsapit sa intersection ay nakabangga nito ang isang van na may plakang ALA 8773 na minamaneho ni Argente saka pumailalim.

Mabilis namang naisugod sa pagamutan ang biktima pero hindi na rin nito kinaya at bumigay na rin. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Holdaper, tigok sa parak

$
0
0

PATAY ang isang holdaper nang makipagpalitan ng putok sa isang pulis na rumesponde sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-arrival sa Ospital ng Tondo ang suspek na inilarawang may taas na 5’3 – 5’5, katamtaman ang pangangatawan, naka-dark green sweat shirt, sando at maong pants habang nakatakas ang kasama nito.

Sa ulat, dakong 2:30 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa kanto ng Quiricada at Villarreal Ave., malapit sa Jose Abad Santos Ave., Tondo.

Sa imbestigasyon, nagreklamo ang isang Carol Reyes, 48, ng Caloocan City, matapos siyang holdapin ng riding-in-tandem sa Mayhaligue St. at Jose Abad Santos Ave., at matangay sa kanya ang P3,500 cash at iPhone 6.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang MPD-Moriones Police Station kung saan nakita ang mga suspek, base sa deskripsyon ng biktima.

Nang magpansin ng mga suspek ang mga pulis, agad na sumakay sa motorsiklo ang dalawa at nagpaputok na ginantihan naman ng mga pulis.

Tinamaan ang isa habang ang kasama nito’y nakatakbo sa isang madilim na lugar.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 na baril at apat na sachet ng shabu ngunit hindi na nakuha ang mga pag-aari ng biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Buhawi sa Maynila, nanalasa rin sa QC

$
0
0

NANALASA rin sa Quezon City ang buhawing bumayo sa Maynila nitong Linggo ng hapon, Agosto 14.

Ayon sa QC authorities, sa lakas ng hangin ay nabiyak ang pundasyon ng poste ng Manila Electric Company (Meralco) sa Brgy. Santol kaya nawalan ng kuryente ang mahigit 500 kabahayan.

Agad namang pinalitan ng Meralco ang nasirang poste at naibalik agad ang suplay ng kuryente sa lugar.

Isang residente rin ang muntik nang tangayin ng naturang buhawi.

Kwento ni Raffy Canlas, nakasama sana siya sa mga sanga ng puno na nilipad ng malakas na hangin kung hindi siya nakakapit sa railings ng tindahan.

“Nakaupo ako rito, nanonood akong TV… ‘Di na ako makalipat sa kabila, hinihigop ako ng hangin, eh, buti na lang nakakapit ako dito,” ani Canlas.

Tinuklap din ng buhawi ang buong bubong ng isang bahay sa San Isidro St.

Ayon pa sa mga residente, bago nalusaw, binuhat at tila iwinasiwas pa ng buhawi ang ilang tricycle na nakaparada sa lugar.

Nagsilbi itong leksyon sa ilang residente na maging handa sakaling magkaroon ulit ng buhawi pero ipinagdasal nilang hindi na maulit pa ang pangyayari.

Naunang nanalasa ang naturang buhawi sa Intramuros bago ito tumawid sa QC. BOBBY TICZON

Bus bawal na sa Maynila

$
0
0

IPAGBABAWAL na rin umano ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagpasok ng bus sa lungsod simula ngayong Lunes, Agosto 15.

Giit ng mga bus operator at drivers, dapat magkaroon muna ng konsultasyon mula sa lokal na pamahalaang lungsod bago ipatupad ang nasabing kautusan.

Kinuwestyon din ng ilang bus driver at operators ang umano’y pagpapatawag ng meeting ni Brgy. Captain Ligaya Santos sa kanila noong Biyernes.

Ayon sa mga bus driver at operators, wala umano silang nakikitang personalidad ni Santos upang pagbawalan silang pumasok ng Maynila.

Sinabi umano ni Santos na lilimitahan na lamang ang pagpasok ng mga bus.

Ayon pa sa grupo, dapat anilang humarap sa kanila kahit ang isang opisyal lamang ng city hall kung ang city government ang nagbabawal sa kanilang pumasok sa Maynila.

Hinala na grupo, posibleng ang pagtaas sa singil sa mga bus ang isa sa nakikita nilang dahilan kaya biglaan ang pagbabawal sa mga bus na pumasok sa lungsod. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Negosyante, agnas nang natagpuan sa hotel

$
0
0

PATAY na nang matagpuan ang isang 61-anyos na negosyante sa loob ng tinutuluyang hotel sa Ermita, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Santiago Deomano, tubong Libmanan, Camarines Sur, at pansamantalang tumutuloy sa Room 409 ng Tropical Mansion Hotel sa 1242 Jorge Bocobo St., Ermita.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Criminal Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 8:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima.

Habang naglilinis sa pasilyo ng ikaapat na palapag ng hotel ang room attendant na si Marcelo Barnedo ay nakaamoy ito ng isang masangsang na amoy mula sa kuwarto ng biktima.

Sinubukan nitong katukin ang biktima ngunit hindi ito sumasagot dahilan para ipagbigay-alam na niya sa hotel security guard.

Kinontak ang biktima sa pamamagitan ng intercom ngunit wala pa ring sumasagot kaya nagpasya ang mga staff ng hotel na buksan na ang kuwarto ng biktima.

Dito na natuklasan ang naaagnas nang bangkay ng biktima na nakahandusay sa sahig, naka-underwear lamang at nakayapak.

Nabatid na si Deomano ay nag-check-in sa hotel dakong 12:15 ng tanghali noong Agosto 10 at huling nakitang buhay 9:30 ng umaga ng Agosto 11 nang lumabas ito ng hotel.

Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

2 bebot binoga sa Maynila, 1 tigok

$
0
0

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Manila Police District (MPD) ang pagkamatay ng isang babae at ikinasugat ng isa pa sa squatters area sa Port Area, Maynila.

Sa inisyal na ulat, sa ngayon ay hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng mga biktimang dahil mga dayo lamang sa lugar ang mga ito.

Dead-on-the-spot ang babaeng napatay na naka-pajama, puting spaghetti blouse, naka-jacket at tsinelas, at tinatayang edad 22-25.

Habang naitakbo pa sa Gat Andres Hospital at kritikal ang kasama nitong babae na edad 28-pataas sanhi rin ng mga tama ng bala sa katawan.

Nabatid na alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa makipot na iskinita sa 11th St., Brgy. 650 Zone 68, Port Area, Maynila.

Wala namang makuhang impormasyon ang pulisya hinggil sa insidente na posible umanong may kinalaman sa droga.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at inaalam na rin kung sino ang salarin. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Drug supplier tumba

$
0
0

NANLABAN at napatay sa mga operatibang nagsagawa ng Oplan Tokhang ang isang pinaghihinalaang drug supplier kaninang madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang suspek na edad 35-40, 5’5 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo na marijuana sa dibdib, may tattoo demonyo na may nakasulat na Almario at Jerry, habang sa likuran ng katawan ay may nakasulat na Samson at Peralta.

Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng MPD-homicide section, naganap ang insidente alas-4:15 ng madaling-araw sa 1040 Paquita St., Sampaloc, Maynila.

Ayon kay P/Supt. Aquino Olivar, commander ng MPD-Police Station 4, ang naturang lalaki ang itinuturong source o supplier ng ipinagbabawal na droga ni Alvin Gonzales, isa sa apat na lalaking unang naaresto ng mga awtoridad sa drug operation noong Agosto 13, dakong 9:30 ng gabi sa 1040 Paquita St., Sampaloc.

Inginuso ni Gonzales ang biktima at nang makumpirma na magdedeliber ito ng iligal na droga sa 1040 Paquita St., Sampaloc sa bandang alas-3:00 ng madaling-araw ay kaagad na nagkasa ng Oplan Tokhang ang mga awtoridad sa lugar upang arestuhin sana ang suspek.

Nang mamataan ang suspek ay kaagad nanahimik at sinundan nina PO1 Paul John Rupinta at PO1 Jul-Mar Abdulhakim, ng University Belt Area (UBA) Police Community Precinct (PCP).

Gayunman, naramdaman ng suspek ang mga nakapalibot na pulis kaya kaagad itong bumunot ng kalibre .38 revolver at pinaputukan ang mga pulis pero kaagad siyang tinamaan nang gumanti ng putok ang mga ito.

Narekober ng mga pulis sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na ginamit nito sa pamamaril at dalawang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Tulak, dedbol sa Maynila

$
0
0

NAKATUNOG na pulis ang katransaksyon ang isang 26-anyos na tulak ng droga dahilan para manlaban na ito na kanyang ikinamatay kagabi sa Blumentrit, Sta. Cruz, Maynila.

Nakilala ang biktimang si Chuck Lester Cortez.

Ayon kay C/Insp. Marlon Mallorca, hepe ng MPD Station 3, pasado alas-9:00 kagabi nang ikasa ang buy-bust operation.

Nasa P1,000 halaga ng shabu umano ang napagkasunduan ng suspek at poseur buyer.

Nang mahalata umano ni Cortez na pulis ang kanyang ka-deal ay agad itong pumalag at bumunot ng baril dahilan para gantihan siya ng putok.

Nakuha kay Cortez ang limang sachet ng shabu at baril.

Ayon pa kay Mallorca, kabilang ang suspek sa drug watchlist ng MPD 3 na una na umanong sumuko subalit muling nagbalik sa maling gawain. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Sekyung tinamaan ng bakal sa buhawi, patay

$
0
0

DAHIL sa matinding pinsala sa ulo sanhi ng pagtama ng bakal na dala ng buhawi, isang security guard ang nalagutan ng hininga sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).

Si Elmer Quimno, 40, ng Guzman Dormitory sa Z. P. de Guzman St., Quiapo, Maynila ay idineklarang patay ganap na alas-4:30 kahapon.

Sa ulat ni P/Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, nasa rooftop ng naturang dormitoryo ang biktima nang daanan ito ng buhawi noong Linggo ng hapon.

Hindi nito inaasahang tatamaan siya sa ulo ng bakal na tangay ng buhawi sanhi para mawalan ito ng malay at isugod sa nasabing ospital.

Makalipas ang dalawang araw, nasawi rin ito sanhi ng severe traumatic brain injury. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Kelot, dedo sa birthday party

$
0
0

NAGTAMO ng dalawang tama ng bala sa ulo ang isang 27-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek matapos dumalo sa isang birthday party kaninang madaling-araw sa Parola Cmpd., Binondo, Maynila.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Jerome Roa, 27, ng Gate 17, Area H, Brgy. 275, Parola Compound, Binondo.

Ayon kay PO2 Dennis Turla, naganap ang insidente dakong alas 12:30 ng madaling araw sa harapan ng Gate 64, MICP Road, Barangay 275, Zone 25, District 3, Parola Compound.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima alas-9:00 ng gabi nang dumalo ito sa isang birthday party sa lugar.

Ilang oras pa ang nakalipas ay nakarinig na lang ng mga putok ang mga residente at nang tingnan nakita ang biktima na wala ng buhay sa drivers side ng isang nakaparadang tricycle.

Wala namang nakuhang impormasyon ang pulis mula sa mga residenteng lugar kung sino ang bumaril sa biktima.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Holdaper tiklo; sumpak, shabu narekober

$
0
0

TIKLO ang isang 27-anyos na holdaper matapos mahulihan ng homemade gun, shabu at bala sa Tondo, Maynila.

Kasalukuyang nakakulong sa Manila Police District-Station 2 ang suspek na si Junjun dela Cruz alyas “Amag”, ng Gate 10, Area B, Parola Cmpd., Tondo, matapos isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa paglabag sa robbery holdup, illegal possession of homemade gun at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 (section 11 ng Republic Act 9165.

Naaresto umano ang suspek dahil na rin sa sumbong ng isang Kevin Ambalong, 30, seaman, ng Asian Cmpd., Pier 2, North Harbor, Tondo, kaugnay sa panghoholdap sa kanya alas-6:30 ng hapon habang naglalakad sa Road 10 kamakalawa.

Agad namang nagresponde ang mga pulis at namataan ang suspek na umaakyat naman sa isang bahay na hinihinalang tangka nitong magnakaw dahil hindi ito residente sa lugar.

Nang mapansin ang mga pulis ay nagtatakbo ito hanggang sa magkahabulan na nagresulta sa pagkakasukol dito.

Narekober sa suspek ang isang homemade gun, dalawang bala at isang maliit na sachet ng shabu. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Mandaraya, utas sa sugalan

$
0
0

PANDARAYA ang dahilan kaya isang 30-anyos na lalaki ang kinatay ng kanyang kalaro sa cara y cruz sa Tondo, Maynila.

Nasawi bunsod ng mga saksak sa dibdib ang biktimang si Napoleon Ludwig Pariot, alyas Hamog, walang hanapbuhay, ng Magsaysay St., Tondo.

Nakatakas naman ang suspek na si Jaime Pingol, alyas ‘Topak’, binata, walang trabaho, kalugar ng biktima.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 3:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa Magsaysay St. malapit sa kanto ng Duhat St., Tondo, na sakop ng Brgy. 120, Zone 9, District 1.

Ayon sa tiyahin ng biktima na si Filipina Radomes, 35, bago ang krimen ay naglalaro ng cara y cruz ang biktima at suspek sa naturang lugar.

Gayunman, bigla na lang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga ito na nauwi sa pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima sa dibdib.

Nagawa pa umanong makatakbo ng biktima ngunit hindi pa man nakalalayo ay duguan na itong bumagsak. Isinugod ng ilang saksi sa pagamutan ang biktima pero ‘di na rin umabot nang buhay.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng nagkaroon ng dayaan sa pagitan ng dalawa habang nagsusugal, na nauwi sa pananaksak ngunit iniimbestigahan pa rin nila ang tunay na motibo rito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Viewing all 302 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>