UPANG mahuli ang mga tiwali at pala-absent na traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), magpapakalat ng mga undercover inspectors o secret agents ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, ang nasabing mga undercover inspectors ay mag-iikot sa kanilang puwesto upang matsek ang mga traffic enforcers at malaman ang kanilang kanilang ginagawa.
“Sa pamamagitan nito, madali nating masisibak ang mga enforcers na hindi karapat-dapat sa tungkulin,” ani Estrada.
Babala pa niya, mahigpit niyang ipapatupad ang “one-strike” policy laban sa sinumang MTPB enforcers na mapapatunayang hindi nagtatrabaho nang maayos o sangkot sa mga iligal na gawain.
Nitong Nobyembre 28, sinibak ni Estrada ang lahat ng 690 traffic enforcers ng MTPB dahil sa dami ng natanggap niyang reklamo laban sa mga ito.
Pansamantala silang pinalitan ng mga miyembro ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU).
Sa kasalukuyan, sa pangunguna ng MPD-TEU, sinasailalim ngayon ang unang grupo ng 92 mga bagong enforcers.
Pokus ng nasabing retraining ang disiplina, proper decorum at posture, at physical fitness. Tinuturuan din sila ng basic road accident investigation, rescue and first aid, at basic self-defense techniques.
Ayon kay MTPB chief Dennis Alcoreza, magdadagdag sila ng marami pang inspectors.
“Marami tayong miyembro ng inspectorate na umiikot, walang ibang ginagawa ‘yan kundi ikutin ang areas of responsibility ng MTPB,” paliwanag niya.
“Hindi sila nakikilala ng MTPB enforcers, naka-sibilyan, nagro-rotation. Base nga sa report nila, halos lahat ng ating enforcers noon ay hindi na pumapasok, kumokolekta na lang ng sahod,” dagdag pa ni Alcoreza.
Aniya, minsan pa nga ay nagpapanggap pa na motorista o pedestrian ang mga inspectors na ito upang mahuli sa akto ang mga tiwaling MTPB enforcers. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN