BINALAAN ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga barangay chairman at iba pang barangay officials kasunod na rin ng nangyaring raid sa Islamic Centre sa Quiapo, Maynila.
Sa interview kay Estrada, nalamang ang barangay ng napatay na si Chairman Faiz Macabato ng Brgy. 648 ay isa sa 896 barangays sa Maynila na hindi nakapagsumite ng listahan ng mga drug personalities.
Si Macabato ay nanlaban umano at tumangging papasukin ang mga operatiba sa kanyang barangay upang magsilbi ng warrant of arrest sa isa pang drug suspect at kaanak nitong si Gaus Macabato.
Ayon kay Estrada, matagal na itong nagbabala sa mga opisyal ng barangay at ang nangyari sa Islamic area nitong Biyernes ng umaga ay magsilbi sanang “warning” sa kanila.
“Walang ‘sacred cow’ sa ating anti-drug campaign. Wala kaming sisinuhin,” aniya pa.
Anim na iba pa ang napatay habang mahigit sa 200 naman ang binitbit at dinala sa Manila Police District (MPD) headquarters para sa beripikasyon at imbestigasyon. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN