PITONG katao ang patay kabilang ang isang pinaghihinalaang commander ng Bangsamoro Independent Freedom Fighter (BIFF) at nasa 263 naman ang binitbit sa isinagawang joint operation kaninang umaga sa Quiapo, Maynila.
Kabilang sa mga nasawi sina Brgy. Chairman Nohg Faiz Macabato, ng Brgy 648, na may P1-milyong patong sa ulo; Kagawad Malic Bayantol; Gaus Macabato; at apat na hindi pa nakikilalang kalalakihan na isinugod sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) na idineklarang dead-on-arrival.
Alas-5:00 pa lamang ng umaga ay pumosisyon na ang mga tauhan ng MPD Police Station 3 at 8, Special Weapons and Tactics (SWAT), National Capital Region Police Office (NCRPO), Highway Patrol Group (HPG) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa paligid ng Palanca St., P. Casal hanggang sa may Vietnam Alley.
Ayon kay SPO2 Jonathan Bautista, ng MPD-homicide section, nagsimula ang kaguluhan nang isilbi ng awtoridad ang isang warrant of arrest laban sa isang Darius Macabato.
“Tumanggi daw ‘yung chairman hanggang sa magkaroon ng mainitang sagutan na nauwi na sa barilan kung saan tinamaan ‘yung chairman sa dibdib at isa pang nagtangkang tumulong bago isinugod sa Ospital ng Maynila,” ani Bautista.
Umabot hanggang alas-9:30 ang operasyon kung saan 263 pang kalalakihan ang binitbit para sa beripikasyon kung saan kasama dito ang isang kumander ng BIFF na si Sambetory Macaraas Sarip, 33, base sa ID na nakuha sa kanya at uniporme ng BIFF.
Sa clearing operation, nakakumpiska ng dalawang 9mm na baril, dalawang granada, anim na .38 revolver, dalawang sumpak at mga shabu.
Nabuking rin ang mga kinarnap na sasakyan sa lugar kung saan ipinapalit ng droga ang mga ito sa mga drug pusher na nagkakanlong sa lugar.
Napasugod naman si Manila Mayor Joseph Estrada sa lugar upang personal na makita ang naging operasyon.
“Walang sini-sino ang kampanya natin na ‘to, basta may atraso ka sa batas, kailangan mong pagbayaran but unfortunately, nanlaban siya kaya napilitan na rin ang MPD,” ayon kay Estrada.
Nabatid rin sa alkalde na ito ang ikalawang pagkakataon na nasalakay ang Islamic Center.
Nabatid na bago isinagawa ang pagsalakay sa Muslim area, nakipagdiyalogo muna ang MPD at ipinagpaalam sa mga Imam ang kanilang gagawing operasyon. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN