TINATAYANG aabot sa P3-milyong aria-arian ang natupok ng apoy matapos sumiklab ang sunog sa Sampaloc, Maynila kagabi, Setyembre 18.
Ayon sa isang residente na si Peter Eugenio, pasado alas-7:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa isang bahay na nagsimula sa ikalawang palapag.
Isang naka-charge na cellphone umano ang nag-overheat na naging sanhi ng pagliyab ng apoy.
Wala umanong tao sa ikalawang palapag ng naturang bahay dahil nasa baba lahat at iniwang nakasaksak ng cellphone.
Itinaas ang sunog sa ikalimang alarma dahil mabilis na kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa lamang sa light materials.
Pinayuhan naman kay FSO Crisfo Diaz ang mga residente na huwag iwanang nakasaksak ang mga gamit dahil maaari itong pagmulan ng sunog.
Nasa 15 kabahayan o 30 pamilya naman ang nawalan ng masisilungan dahil sa sunog na idineklarang fireout alas-11:00 na ng gabi. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN