UTAS ang tatlong drug pushers na nasa watchlist ng pulisya kabilang ang tinaguriang big-time pusher matapos makipagbarilan sa isinagawang buy-bust operation ng Manila Police District (MPD)-Plaza Miranda PCP sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang mga napatay na sina Jay-Ar Pamelar na siyang target ng operasyon at itinuturong big-time na tulak ng Sta. Cruz at Quiapo, isang alyas Dodong at isang alyas Allan, na kapwa naman kasama sa drug watchlist ng pulisya.
Ayon kay P/C Insp. John Guiagui, hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP), na sakop ng Manila Police District (MPD)-Station 3, nabatid na dakong 11:40 ng tanghali nang maganap ang insidente sa residential area sa Antipolo St. sa Sta. Cruz.
Target umano sa operasyon si Pamelar na sinasabing kaanak ng isang pulis.
Matagal na aniya nilang isinaisailalim sa surveillance ang naturang suspek ngunit nahirapan silang mahuli ito dahil sa paglilipat-lipat ng hideout.
Nang matiyempuhan ng mga pulis ay kaagad na umano silang nagkasa ng buy-bust operation ngunit nanlaban ito kaya’t napilitan ang mga pulis na gumanti at nagresulta sa agarang kamatayan ng mga suspek sa isang makipot na kuwarto.
Narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ang ‘di pa matukoy na halaga ng cash na hinihinalang drug money dahil puro tig-P20 at tig-P100 bills, mga drug paraphernalia, ‘di pa tukoy na dami ng shabu at tatlong baril. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN