KAKASUHAN ng abortion ang isang 22-anyos na babae at boyfriend nitong isang empleyado ng Land Transportation Franchising and ReguLatory Board (LTFRB) dahil sa pagpapalaglag sa apat na buwang fetus na ipinagbubuntis nito.
Nanatili pa rin sa Ospital ng Sampaloc ang suspek na si Analiza Narce, 22, massage therapist, ng 66 B2 Loreto St., Sampaloc, Maynila dahil sa kumplikasyon ng pagpapalaglag nito.
Habang ang kasintahan nitong si Rommel Abinal, 39, LTFRB agent, ng Tangerine St., Marikina City ay hindi pa lumulutang sa pulisya.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District-homicide section, nangyari ang pagpapalaglag ni Narce noong Setyembre 9 ng alas-3:00 ng hapon sa isang bahay sa Craig St., Sampaloc, Maynila.
Setyembre 11 naman nang isinugod ito ng kanyang landlady na si Genalyn Machon matapos nitong magreklamo na nilalagnat siya at humingi ito ng tulong na madala siya sa pagamutan.
Nalaman naman sa naturang ospital ni Machon na nagpa-abort si Narce at naimpeksyon ito sanhi para siya lagnatin at manganib ang buhay kundi raraspahin.
Inamin naman ni Narce kay Bautista na apat na buwan siyang buntis at nakumbinsi siya ni Abinal na ipalaglag ang kanilang anak dahil may asawa ito at hindi siya maaaring pakisamahan.
Sinabi ni Narce na isang babae ang kanyang nakilala at binigyan siya ng numero ng babaeng makatutulong daw sa kanya at nagkasundo silang magkita sa Quiapo at mula doo’y dinala siya sa isang bahay sa Craig St., Sampaloc at muli siyang nagbayad ng P6,000 para umano sa isang nurse na magsasagawa ng abortion.
Kinabukasan, umuwi na siya sa inuupahang bahay pero nilagnat ito kaya nagpasugod na sa pagamutan. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN