BINOGA habang nagbi-videoke at nakikipag-inuman ang isang tindera ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo sa Port Area, Maynila.
Namatay noon din sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Nora Lintag, 42, dalaga, vendor, ng Blk. 6, Baseco Cmpd., Port Area.
Nakatakas naman ang mga suspek na ngayo’y kinikilala na naka-bull cap na gray, at mabilis na tumakas lulan ng isang asul at itim na motorsiklo na hindi naplakahan.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 5-Ermita, nabatid na dakong 5:20 nitong Lunes ng hapon nang maganap ang krimen sa harapan ng isang sari-sari store sa Blk. 9, Baseco Cmpd., Port Area, Manila.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Joseline Boso, 37, kapatid ng biktima, nag-iinuman silang magkapatid at nagbi-videoke sa harapan ng sa nasabing sari-sari store nang bigla na lang siyang makarinig ng putok ng baril mula sa kanilang likuran.
Nagulat na lang siya nang biglang duguang bumagsak ang kapatid na noo’y kumakanta pa.
Aminado si Boso na bago ang krimen ay matagal nang nakatatanggap ng mga death threat ang kapatid ngunit hindi lamang umano niya ito pinapansin.
Napag-alamang may kinalaman sa iligal na droga ang pagpatay sa biktima dahil napapabalitang may kasintahan si Lintag na drug pusher. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN