SA kulungan bumagsak ang dalawang miyembro ng “laglag-barya” gang matapos biktimahin ang isang seaman sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Ermita, Maynila.
Hawak ngayon ng Manila Police District-Police Station 5 ang mga suspek na sina Harold Royola, 32, tricycle driver, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at taga-Purok 4, Brgy. Mansol, Nagcarlan, Laguna, at Albino Estrada, 38, tricycle driver, ng Purok Kanluran, Calauan, Laguna.
Inireklamo ang dalawa ng biktimang si Paul Per, 38, seaman, ng 555 San Andres, Malate, Maynila.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Mark Cyrus Santos, nakasakay ng jeep ang biktima dakong 8:30 ng umaga nang maglaglag ng barya si Royola at nang kunin niya ang barya, dinukot naman ni Estrada ang Samsung cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P20,000.
Pababa na sa may Orosa St. nang mapansin ng biktima na nawawala ang kanyang cellphone kaya kinompronta niya ang dalawang suspek.
Nagsalita umano si Estrada at sinabi nitong nakita niya na nalaglag ang cellphone ng biktima.
Tiningnan naman ni Amper ang dinaanan pero ‘di nakita ang kanyang cellphone at dito naisip ni Amper na nabiktima siya ng laglag-barya kaya tinawag niya ang nakitang pulis.
Sa puntong iyon, kusang isinauli ni Estrada ang cellphone ng biktima pero binitbit pa rin sila sa presinto.
Nahaharap sa kasong theft sa Manila Prosecutor Office ang dalawang suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN