PATAY ang tatlong empleyado ng isang printing shop nang makulong sa nasusunog na printing press kaninang madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang mga nasawing sina Benjie Solis, 28, at Ronald Obiedo, 50, na halos hindi na makilala dahil sa tindi ng pinsalang tinamo sa sunog.
Habang isa pa ang inabutan pa ng mga bumbero na may pulso at itinakbo sa Jose Reyes Memorial Medical Center(JRMMC) na si Joel Eva, 50, ngunit binawian na rin ng buhay.
Sa report ni SFO3 Sony Laguna, imbestigador ng Manila Fire Deparment, dakong 4:30 ng madaling-araw nang nagsimula ang sunog sa Lumandas Printing Press sa kanto ng Recto Ave. at Morayta St. sa Maynila.
Nabatid na nagkaroon ng Christmas party ang mga empleyado ng nasabing printing press na nauwi sa inuman.
Aminado naman ang may-ari ng printing press na maging siya ay nakipag-inuman at nalasing hanggang sa nakatulog ngunit pasado 9:00 ng gabi nang siya’y mahimasmasan at magising kaya umalis na rin siya at umuwi malapit lamang sa lugar.
Hinihinalang ang naiwanang nakasaksak na videoke ang dahilan ng sunog kung saan ang isa sa mga biktima ay nakita sa banyo.
Dakong 5:10 ng umaga nang ideklarang fireout ang sunog na umabot lamang sa unang alarma at dito na nakita ang tatlong biktima.
Samantala, nilinaw ni Arson investigator Redentor Alumno na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon kung may naganap na foul play sa pagkamatay at kung may kapabayaan sa panig ng may-ari matapos na nalaman na naka-padlock ang sliding gate kaya nahirapan ang mga bumbero na buksan ang nasabing opisina.
May naiwan din umanong mga tao sa kanyang shop na kinabibilangan ng tatlong biktima na noo’y nag-iinuman.
Tinatayang umabot sa P50,000 ang halaga ng napinsalang ari arian. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN