DALAWA ang patay kabilang ang isang 77-anyos na lolo habang apat naman ang nasugatan sa naganap na sunog sa Sampaloc, Maynila kaninang umaga.
Kinilala ang nasawing na si Anastacio Cruz, habang hindi naman makilala ang isa pa dahil natusta na ang buong katawan nito.
Nakilala naman ang mga sugatan na sina Ritchie Catle, 37, FO1 John Natividad na tumalon mula sa ikalawang palapag ng nasunog na bahay, Rosemarie Gonda at anak nitong si Mary Ann.
Sa report ng Manila Fire Department (MFD), dakong 10:20 ng umaga nang nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang inuupahang bahay ng isang Boy Arthus sa 32B Maria San Francisco St., Sampaloc, Manila at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay.
Sampung bahay naman ang tinupok ng apoy na umabot sa mahigit 30 mga pamilya ang nawalan ng tirahan.
Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog na idineklarang fireout dakong 11:30 ng umaga.
Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na pinaglaruang posporo ng mga bata ang sinasabing sanhi ng sunog. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN