NEGOSYO ang nakikitang motibo sa pagpatay sa isang 49-anyos na mechanical engineer nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ng kanyang sports utility vehicle (SUV) sa Binondo, Maynila kagabi.
Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Reynaldo Macapanas, ng Oakridge Antel Village, Bacao, General Trias City, Cavite, bunsod ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Nakatakas naman ang dalawang hindi nakilalang suspek.
Sa imbestigasyon ni PO3 Aldeen Legaspi, ganap na alas-7:00 ng gabi nang tambangan sa Delpan Sports Complex, Delpan St., Binondo si Macapanas.
Sakay umano ang biktima ng kanyang itim na Isuzu MU-X na SUV at binabagtas ang Delpan St. nang bigla na lang tambangan ng mga suspek at pinagbabaril bago tumakas, bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Papauwi naman noon si PO1 Rey Orejas, nang may isang residenteng lumapit sa kanya at humingi ng tulong hinggil sa insidente ng pamamaril.
Agad itong nirespondehan ni Orejas at dinala ang biktima sa nasabing pagamutan ngunit hindi na umabot pang buhay.
Sinabi naman ni Evelyn Sy, kaibigan ng biktima, na bago maganap ang krimen ay bibisitahin sana siya ng biktima sa kanyang tahanan upang mapag-usapan nila ang isang business proposal nang maganap ang krimen.
Naniniwala naman ang misis ng biktima na si Nenita Macapanas na posibleng may kinalaman sa mga business contract bidding deals ng asawa ang pagpatay sa kanya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN