ARESTADO ang isang lola at anak nito nang ireklamo ng pagnanakaw ng mahigit milyong halaga ng alahas at pera ng kanilang among negosyante sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinilala ni C/Insp. Eduardo Pama, hepe ng Theft and Robbery Section ng Manila Police District, ang mag-inang sina Antonina Mercad, alyas “Nini”, 38, dalagang ina, may dalawang anak at stay-in housemaid sa 3581 Dupil St., P. Sanchez, Sta. Mesa, Maynila, at Emelita Mercado, 70, “Lita”, biyuda, at kasambahay din sa nasabing address.
Nauna rito, dumulog sa pulisya ang complainant na si Susan Bueno, 58, upang ireklamo ang kanyang mga kasambahay matapos matuklasan ang panloloob sa kanyang pribadong silid gamit ang duplicate key at pagtangay sa iba’t-ibang uri ng alahas, relos na umabot sa P1,260,000 at cash na humigit-kumulang P20,000.
Sa salaysay ni Buena, alas-2:00 ng hapon nitong nakalipas na Nobyembre 2 ay biglaan siyang umuwi ng bahay mula sa Greenhills, San Juan at nasurpresa nang madatnang hindi na naka-lock ang silid niya at nasa loob ang kasambahay na si Nini, gayung siya lamang ang may hawak ng nag-iisang susi.
Nabigla naman si Nini at bigla itong napahagulgol na ipinagtaka naman ng kanyang amo hanggang sa ipinagtapat na ang ginawang pagnanakaw sa maraming pagkakataon kung saan ang huli ay itinuro pa nito na nakaipit sa kanyang mga damit.
Dito na rin ibinulgar ni Nini na ang kanyang ina na si Lita ang may pakana sa susi na ginagamit sa pagnanakaw sa silid ng kanilang amo na pinaniniwalaang ipinakopya ang orihinal na susi ng biktima.
Sinabi ng biktima na walang ibang taong nakatira sa kanyang bahay bukod sa mag-inang suspek at anak ni Nini na dalawang menor-de-edad.
Sobrang tiwala umano ang ibinigay niya sa mga suspek dahil kinupkop niya ang buong pamilya nito na hindi akalaing mga bantay-salakay pala. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN