NATUSTA nang buhay ang isang mag-ina nang sumiklab ang sunog sa residential area sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang mag-inang sina Venus Liqid, 35, at tatlong-taong gulang na anak na babae na si Althea Michelline Mae, ng Varona St., Tondo.
Ayon kay S/Insp. Reden Alumno, hepe ng investigation unit ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog pasado alas-3:00 Miyerkules ng hapon sa ikalawang palapag ng bahay na pagmamay-ari ng isang Herminia Hipolito.
Sa imbestigasyon, lumalabas na natutulog ang mag-ina nang maganap ang sunog kung saan natagpuan sila sa ikalawang palapag.
Mabilis namang kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay kaya inakyat sa ikalawang alarma ang sunog na idineklarang fireout dakong alas-5:41 ng hapon.
Maliit umano ang mga eskinita sa lugar kaya nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang mga kabahayang nilalamon ng apoy.
Halos binalot ng maitim na usok ang pitong magkakadikit na barong-barong kaya agad na inakyat sa ikalawang alarma ang sunog.
Hinihinalang iligal na linya ng kuryente naman ang pinagmulan ng sunog. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN