NATANGAYAN ng P500,000 ang isang biyuda ng miyembro ng Budol-Budol Gang sa Ermita, Maynila.
Kinilala ni P/C Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang biktimang si Tessie Tuba, 53, ng 456-1 Romero Salas St., Ermita, Maynila.
Limang lalaki naman ang inireklamo ng ginang na siyang nanggoyo at tumangay aniya ng kanyang pera.
Napag-alamang dakong 12:05 ng madaling-araw, kumatok sa bahay ng biktima ang anim na suspek, at nagpanggap na ‘buyer’ ng ibinibentang resort sa Batangas.
Ayon kay Tuba, dakong 10:00 ng umaga nang mag-alok ang mga suspek na makisosyo sa kanilang bibilhing bulto ng produkto kung saan kikita umano ng P100,000 ang biktima.
Sanhi ng baon sa utang at kailangan ng dagdag na panustos, napapayag ang biktima na makipagsosyo sa kanila.
Iniwan umano ng mga suspek sa bahay ng biktima ang dala nilang pera at sinabing babalikan sa kanilang bahay sa sandaling mai-withraw na ang pera ng biktima.
Gayunman, nang maiabot na ng biktima ang pera sa mga suspek, kaagad na nagpaalam ang mga ito at nagdahilang hahabulin pa nila ang bilihan ng produkto at babalik na lamang sa bahay ng biktima para ibigay ang tubo.
Pumayag naman ang biktima sa pag-aakalang tunay na pera ang iniwan ng mga suspek pero laking panlulumo ng biktima nang buksan ang iniwang bag ng mga suspek dahil ginupit na diyaryo lamang ang laman nito.
Nagpunta si Tuba sa MPD-GAIS upang ireklamo ang pangyayari at mahanap ang anim na suspek, na ayon sa kanya ay makikilala niya kung muling makikita. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN