PATAY ang isang pulis-Maynila nang tambangan ng hindi nakilalang suspek habang naghahatid ng kanyang anak na babae sa Emilio Aguinaldo College (EAC) Martes ng umaga.
Dead-on-the-spot ang pulis na si PO3 Mark Anthony Peniano ,34, nakatalaga sa Manila Police District-Station 3 na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.
Sa kuha ng CCTV malapit sa Technological University of the Philippines (TUP), sakay ng tatlong motorsiklo ang mga suspek nang barilin si Peniano habang angkas ng kanyang anak na babae.
Pasado alas-8:00 ng umaga nang tambangan ang biktima sa kahabaan ng Ayala Ave., San Marcelino St. malapit sa Technological Univesity of the Philipines (TUP).
Sakay umano ng tatlong motorsiklo ang mga suspek na ang isa rito ay bumaba pa at naglakad palapit sa biktima sa muling binaril nang ilang beses.
Bagama’t hindi nasaktan ang anak ng biktima, isang lalaking estudyante ng TUP naman ang tinamaan ng ligaw na bala sa hita.
Narekober sa crime scene ang 10 basyo ng bala ng. 45 kalibre na ginamit sa pamamaril sa biktima.
Patuloy pang iniimbestigahan ng MPD-Homicide Section ang pagkakilanlan ng mga suspek at motibo sa pagpatay.
Samantala, agad namang ipinag-utos ni Manila Mayor Joseph Estrada kay MPD director C/Supt. Joel Coronel ang pag-imbestiga sa insidente kung saan napag-alamang prime suspect pala si Peniano sa pagpatay sa isang babaeng pulis na si PO1 Jorsan Marie Alafriz nitong Marso 19 sa Quiapo. Kilalang anti-drug advocate noon si Alafriz.
Huling naitalaga si Peniano sa MPD Headquarters Support Unit sa UN Avenue habang humaharap sa imbestigasyon kung saan nasa listahan din ito ng High Value Target (HVT), ayon kay Coronel.
Ayon kay Estrada, hindi nito pinapayagan ang extrajudicial killing ng mga pulis na sangkot sa droga at iba pang iligal na gawain kaya inatasan nito si Coronel na bantayan ang mga miyembro ng MPD na kasalukuyang iniimbestigahan sa iba’t ibang kaso. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN