PINAGBABARIL ng ‘di nakilalang suspek ang isang AWOL (absent without leave) na pulis habang may kausap sa cellphone sa harapan mismo ng kanilang tahanan sa Port Area, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si PO1 Jay Paguinto, 37, dating nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD), at taga-007 Blk. 9, Old Site, Baseco Cmpd., Port Area, bunsod ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa ulat ni SPO1 Joseph Kabigting ng Manila Police District (MPD)-homicide section, may kausap ang biktima sa cellphone pasado alas-5:00 kahapon sa harapan ng kanilang bahay na tila nakikipag-away.
Nagulat na lamang ang ilang tao sa lugar nang may marinig na mga putok ng baril at makitang duguang bumulagta ang biktima.
Agad namang ipinagbigay-alam ng mga nakakita ang pangyayari sa kanilang barangay na siya namang nag-report sa pulisya.
Wala namang makuhang iba pang impormasyon ang pulisya sa pagkamatay ng biktima dahil natatakot ang mga residente na baka sila naman ang balikan ng suspek.
Sa ngayon ay blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaslang kay Paguinto gayundin ang pagkakilanlan ng suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN