NAGBIGTI ang isang 33-anyos na construction foreman sa pamamagitan ng isang kumot sa loob ng kanyang inuupahang tahanan sa Malate, Manila kagabi.
Kinilala ang biktimang si Junie Tapinet, alyas ‘Jhong,’ 33, binata, construction foreman, ng 2381 Arellano Ave., Singalong, Malate.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-homicide section, nabatid na dakong 8:10 ng gabi nang matagpuang nakabigti ang biktima sa loob ng kanyang bahay sa Arellano Ave.
Sa salaysay ng kanyang kapitbahay na si Simeon De Lima, nabatid na huli nilang nakitang buhay ang biktima dakong 11:00 ng umaga, nang makisuyo ito sa kanya na ibili siya ng isang tasa ng kape.
Kinagabihan ay pinuntahan naman umano ng isa pang kapitbahay na si Arsenio Jose, isang karpintero, ang biktima at tinangkang katukin ang pintuan nito ngunit walang sumasagot.
Sinubukan umano ni Jose na buksan ang pinto at natuklasang bukas ito.
Nagulat naman si Jose nang makitang patay na ang biktima at nakabigti gamit ang isang kumot.
Kaagad namang nagtungo si Jose sa barangay outpost upang i-report ang pangyayari.
Bukod sa dugong tumutulo sa hita ng biktima mula sa kanyang puwit, ay wala naman umanong nakita ang mga pulis na anomang sugat sa katawan ng biktima, na indikasyong posibleng sinadya ang pagkamatay nito.
Gayunman, aalamin pa rin ng pulisya kung posibleng may foul play sa insidente. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN