ARESTADO ang tatlong katao na itinuturong mga responsible sa pagtangay ng mga motorsiklo sa Maynila, kabilang ang pagma-may-ari ng isang lady cop sa isinagawang follow-up operation sa Tondo, Manila kaninang madaling-araw.
Kasong paglabag sa Republic Act 6539 (motornapping) ang isinampa laban sa mga suspek na sina Vejay Bautista, 23, ng Villaruel St., Jose Abad Santos, Tondo; Ferdinand Constantino, Jr., 27, tricycle driver, ng 1949 G. Perfecto St., Tondo; Anjun dela Cruz, 27, tricycle driver, ng 1915 Capulong Highway, Tondo.
Sa report ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, nabatid na dakong 1:00 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspek sa G. Perfecto St. sa Tondo.
Nabatid na nagreklamo sa pulisya si PO1 Rizalyn Tamodra, 26, ng 447 Lacson St., Sampaloc, Manila, matapos tangayin ng mga suspek ang kanyang motorsiklo (NE-44303) na may sidecar, dakong 2:00 ng hapon kamakalawa, habang nakaparada sa Lacson St.
Bunsod nito, nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng MPD-Station 7 at Station 4, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nabawi mula sa mga ito ang motorsiklo ng lady cop at isa pang unit ng motorsiklo na may sidecar at walang plate number.
Sinasabing sangkot ang mga suspek sa serye ng motornapping incidents sa Maynila. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN