TODAS ang isang 27-anyos na lalaking miyembro ng Fraternity matapos saksakin ng kanyang dating kaaway habang naglalakad sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktimang si Jason Francisco , walang asawa, miyembro ng Tau Gama Phi at taga-Bldg. 28, Unit 515, Permanent Housing, Tondo, Maynila.
Nakatakas naman ang suspek na si Rodelio Mamucod alyas “Iyong”, ng Purok 6, Alley III, Permanent Housing, Tondo, Maynila.
Nabatid na may kausap ang biktima kasama ng kanyang mga kaibigan nang lapitan ng suspek at walang sabi-sabing sinaksak nang dalawang beses.
Agad isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima pero ‘di na rin umabot nang buhay.
Ayon sa pulisya, sangkot ang biktima sa tatlong murder case sa kaibigan ng suspek nitong nakaraang Enero.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN