DEAD-ON-THE-SPOT ang isang 55-anyos na family driver matapos barilin ng riding-in-tandem kahapon ng umaga (Miyerkules) sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni SPO2 Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District-Homicide section, sa pamamagitan ng mga identification cards na nakuha sa biktima na si Jovito Ferido, driver-care taker ng ZELCOR Enterprises, stay-in sa 523 Remedios St., Malate, Maynila, at taga-161 Elison Ville Subd., Corregidor Sat., General Trias, Cavite.
Sa imbestigasyon, alas-8:27 ng umaga nang maganap ang insidente sa 711 Delpan St., Binondo habang nakahinto ang biktima lulan ng kanyang motoriklong Honda TMX red (DA 81879).
Nabatid na trapik sa lugar kaya nakahinto ang biktima nang sumulpot ang riding-in-tandem na kapwa naka-helmet habang ang isa’y armado ng kalibre .45 saka dinikitan ang biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril.
Ilang mga tambay sa lugar naman ang nagsasabing hinoldap ang biktima at kinuha ang gold na kwintas nito.
Bagama’t holdap ang nakikitang dahilan ng pagbaril sa biktima, palaisipan pa rin pulisya kung bakit sa ulo ito binaril.
Dahil dito, nagsasagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon ang pulisya sa tunay na motibo ng pagpatay sa biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN