DAHIL sa kabiguang maipasa ang licensure exam sa kursong Psychology, isang 23-anyos na dalaga ang tumalon mula sa ika-apat na palapag ng isang hotel sa Ermita, Maynila.
Naisugod pa sa Manila Doctors Hospital ang biktimang si Joanna Gaytona, ng 160 Guzman St., Quiapo, Maynila, bago tuluyang bawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sa ulat, naganap ang insidente ala-1:40 ng tanghali kahapon sa Tropical Mansion Hotel.
Isinama umano ng kanyang inang si Thelma Gaytano ang biktima sa naturang hotel at habang naglilinis sa ika-apat na palapag ay hindi nito namalayang tumalon na pala ang biktima.
Agad na humingi ng tulong sa guwardiya ang ginang para maisugod sa pagamutan ang anak ngunit dahil sa lakas ng pagbagsak nito’y hindi na naisalba pa.
Inamin naman ng ina ng biktima na mula noong Setyembre 24 – Oktubre 11 ay na-confine sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktima dahil sa depresyon bunsod ng pagbagsak sa Professional Regulations Commission (PRC) licensure examination ng Psychology.
Tumanggi nang magpa-imbestiga ang ina ng biktima sa paniniwalang walang naganap na foul play sa pagkamatay ng anak. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN