TATLONG pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na droga ang patay nang makipagbarilan sa mga pulis na sumita sa kanila sa checkpoint kahapon ng madaling-araw, Miyerkules, sa Malate, Maynila.
Sa ulat ng MPD-Homicide section, dakong 1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Arellano Ave. malapit sa kanto ng A. Roxas St., Malate.
Ayon kay C/Insp. Paulito Sabilao, hepe ng Arellano Police Community Precinct (PCP), nagsasagawa ng checkpoint ang kanyang mga tauhan sa lugar nang maka-enkwentro ang tatlong hindi nakilalang lalaki.
Nauna rito, naglalakad na napadaan ang tatlong suspek na ang isa’y inilarawang edad 30-35, 5’2 ang taas, may tattoo na “RAY” at spider sa kanang braso, at naka-pulang sweat shirt.
Nasa edad 40-45 naman ang isa pang lalaki, 5’4 ang taas, may tattoo na “BOYET” sa tiyan, “RIC” sa kanang kamay, naka-orange sweat shirt at blue maong pants.
Habang nasa 25-30 naman ang pangatlong lalaki, 5’4 ang taas, may tattoo na “CECILIA” sa kaliwang braso, black sando ang suot at gray shortpants.
Nakapukaw umano sa atensyon ng mga operatiba ang pagdaan ng tatlo sa dis-oras ng gabi kung saan nakayapak ang dalawa.
Nilapitan ng pulis ang tatlo para sa beripikahin nang bigla silang nagtatakbo sa Arellano Ave. dahilan upang habulin sila.
Gayunman, bigla nagpaputok ang tatlo kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta ng kanilang pagkamatay.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya habang inaalam din ang pagkakakilanlan ng mga ito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN