NAPABAYAANG kandila umano ang dahilan ng pagsiklab ng sunog sa Maynila kahapon, Setyembre 12.
Sa inisyal na ulat ng Manila Fire Department, dakong 1:30 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa Bohol St. kanto ng Visayas St., sa Balic-balic, Sampaloc.
Unang napaulat na isang 13-anyos na dalagita na kinilala sa pangalang Angel, ang nawawala sa sunog ngunit kalauna’y natunton ang bata na isinugod sa pagamutan dahil sa tinamong sugat sa binti.
Sinasabing nagsimula ang sunog sa tahanan ng isang Ronnie Lasumray na matatagpuan sa 920 Bohol St.
Wala umanong kuryente sa lugar kaya posibleng ang gamit na kandila ang sanhi ng pagsiklab ng apoy.
Samantala, napabayaang kandila rin ang itinuturong dahilan ng sunog na sumiklab sa 3rd floor ng tatlong-palapag na tahanan ng isang Mylyn Jarah sa 2043-18 M. Adriatico St., Brgy. 704, Zone 77, Malate, Manila dakong 8:09 ng gabi nitong Linggo.
Mabilis namang rumesponde sa sunog ang mga tauhan ng Manila Fire Department at mga fire volunteer at pinagtulungang apulain ang apoy na tuluyang naideklarang fireout dakong 9:10 ng gabi.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung magkano ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng naturang apoy, na tumupok rin sa isa pang tatlong palapag na bahay na katabi nito na pagmamay-ari naman ng isang Rebecca Duais. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN