PATUNG-PATONG na kaso ang kinakaharap ngayon ng isang bagitong pulis matapos barilin at mapatay ang kainuman nitong kabaro kagabi sa Tondo, Maynila.
Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isa pulis ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) matapos barilin ang kanyang kapwa pulis, mangarnap ng isang motorsiklo at makunan pa ng shabu na nakasingit sa likurang bahagi ng kanyang PNP identification card sa loob ng kanyang pitaka, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng MPD-Homicide Section ang suspek na si PO1 Mark Sagun, nakatalaga sa NCRPO–RPHAU at taga-Blk. 37 Welfareville, Mandaluyong City.
Binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa (GABMMC) ang biktimang si PO1 Louie Wang, 32, nakatalaga sa Manila Police District-Police Station 1 dahil sa tama ng bala sa dibdib.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-8:10 ng gabi sa 1240 Canal dela Reina cor. Pavia St., Tondo matapos magtalo ang suspek at biktima kaugnay sa droga.
Nalaman na magka-brother sa fraternity na Magic 5 ang biktima at suspek, nag-iinuman umano ang dalawa kasama ng isang Cesar Lajom at pagkatapos ay umalis ngunit nang magbalik ay nagtatalo na ang mga ito hanggang sa humantong sa pamamaril.
Matapos ito ay tinangka pang agawin ng suspek papatakas ang motorsiklong Honda beat na may plakang ME 38733 ni Eliser Halamani, 33, na 1376 CRA Reyes St., Tondo na noo’y tinutukan pa ng baril.
Sa puntong ito, dumating naman si PO2 Antony Quilantang ng MPD Tactical Motorcycle Rider Unit kaya nasukol ang suspek.
Isinailalim rin ang suspek sa drug at paraffin test para mabatid kung nasa impluwensiya nang ipinagbabawal na gamot nang barilin nito ang kabaro.
Sasampahan ng kasong murder, carnapping at paglabag sa RA 9165 sa ilalim ng Sec. 11 illegal possession of dangerous drugs sa Manila Prosecutor’s Office (MPO). JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN