SANGKOT sa iligal na aktibidad ang dalawang lalaking nabaril at napatay ng awtoridad nang manlaban sa ikinasang buy-bust operation sa Binondo, Maynila.
Kinilala ang mga napatay na sina alyas ‘Resty/Mac-mac’, 35 hanggang 40-anyos, malaki ang katawan, at may mga tattoo sa balikat at alyas ‘Jomar,’ nasa 20 – 25-anyos, maliit ang pangangatawan, at may mga tattoo sa dibdib at kaliwang balikat.
Sa report, ala-1:15 Martes ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng MPD-Station 11 sa Delpan St., malapit sa Missionary of Charity, Alay Puso Charity sa Binondo.
Nauna rito, nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad hinggil sa iligal na aktibidad ng mga suspek kaya’t kaagad na nagkasa ng buy-bust operation ang mga ito.
Nagpanggap na poseur buyer si PO1 Mark Laurence Legaspi at nakipagpalitan ng shabu at P500 marked money sa mga suspek.
Nang magpositibo ay sumenyas si Legaspi sa mga kasama ngunit nakahalata si Jomar na mga pulis ang katransaksyon kaya’t sumigaw nang, “Put….ina! Parak yan!”
Halos sabay na bumunot ng baril ang mga suspek at tinangkang barilin ang mga awtoridad ngunit nagawa ni Legaspi na tabigin ang baril ni Resty kaya’t hindi siya tinamaan.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN