ILANG araw bago sumapit ang Pasko ay nawalan pa ng bahay ang ilang residente sa Tondo, Maynila matapos matupok ang kanilang mga bahay kaninang tanghali.
Ayon kay Fire C/Insp. Joselito Reyes ng Manila Fire Bureau (MFB), nagsimula ang sunog dakong 12:35 ng hapon sa isang bahay sa Capulong St., Tondo, Maynila na umabot sa ikatlong alarma at idineklarang fireout dakong 2:00 ng hapon.
Nasa 50 kabahayan naman ang nilamon ng apoy dahil gawa lamang ito sa light materilas bukod pa sa dikit-dikit ang mga bahay.
Nagdulot naman ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar lalo na sa Road 10 dahil sa pagmamadali ng mga residente na mailigtas ang kani-kanilang mga kagamitan.
Nakatulong din umano ang malakas na pagbuhos ng ulan para mapigil ang pagkalat pa ng sunog.
Tinatayang may 200 residente ang naapektuhan sa sunog at wala namang naiulat na nasawi o nasaktan.
Patuloy naman iniimbestigahan ng Arson Division ang sanhi ng sunog. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN