APRUBADO na ang taunang pondo ng lungsod para sa 2018.
Sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Sangguniang Panglungsod ,ipinasa ang Ordinance No. 8530 na naglalaan ng P14,880,000,000 bilang Executive Budget ng lungsod ng Maynila sa darating na 2018.
Isinalarawan ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang naturang alokasyon bilang “people’s budget” dahil malaking bahagi aniya nito ay para sa pagpapatupad ng iba’t ibang health at social welfare programs para sa mahihirap na Manilenyo.
Ayon kay 1st District Councilor Ernesto Dionisio, chairman ng committee on appropriations, naging madali at mabilis ang pag-aapruba ng naturang budget ordinance.
“Mayor Erap calls it the ‘people’s budget’ because it will support basically his economic projects for the people of the City of Manila,” pahayag ni Dionisio sa isang panayam.
“And if not for the October 31 holiday, we could have enacted it sooner,” dagdag pa niya.
Aniya, malaki ang inalaan sa social welfare at poverty alleviation programs at sa engineering, kabilang na ang pagpapagawa ng iba’t ibang proyektong imprastraktura tulad ng road and drainage repairs and construction, at paglalagay ng street lights sa mga komunidad.
Matapos lagdaan ni Estrada, ipapalabas sa mga diyaryo ang nasabing budget ordinance bago ipasa sa Department of Budget and Management (DBM) kasama pa ng iba pang mga dokumento, paliwanag ni Dionisio.
Mula sa P14.88-billion budget, ang social services ang nakakuha ng malaki – P5.82 bilyon. Kabilang dito ang Manila Health Department (MHD), Department of Public Services, at Department of Social Welfare, at ang anim na public hospitals sa lungsod.
Ang MHD ang nakakuha ng pinakamalaking budget na P1.03-bilyon. Nitong taon ay sinimulan nito ang pamamahagi ng libreng maintenance medicines sa mga senior citizens at iba pang kwalipikadong benipisaryo base na rin sa direktiba ni Estrada.
Ang general services naman na kinabibilangan ng Office of the Mayor at iba pang departamento sa city hall, ay nakakuha ng P3.06-bilyon at ang economic services, P2.11-bilyon.
Umabot naman sa P1.90-bilyon ang pondong nilaan para sa Department of Engineering and Public Works na kasama sa economic services sector.
Habang P440-milyon at P285-milyon naman ang nilaan para sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UDM).
Malaking pondo rin ang inilaan sa mga pangunahing programa ng administrasyong Estrada, kabilang na ang hospital modernization (P100-milyon), public market renovation (P50-milyon), street lights (P300-milyon), at PhilHealth Para sa Masa, P200-milyon.
Naglaan din ng P50-milyon para sa city computerization program, kabilang na ang “E-permit” project na magpapabilis ng proseso ng aplikasyon ng business permit at lisensya.
Samantala, P10-milyon naman ang nilaan sa scholarship program ng lokal na pamahalaan at P50-milyon para sa feeding program ng mga batang mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN