PATAY ang isang 28-anyos na lalaki na hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang manlaban sa buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Sta. Cruz, Manila kagabi.
Kinilala ni MPD Dir. P/C Supt. Joel Napoleon Coronel ang napatay na suspek na si Gerlito Daculapas, alyas ‘Negro,’ binata, walang hanapbuhay, ng 1697 LRC Compound, Claro M. Recto Ave., Sta. Cruz.
Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan, ng MPD- homicide section, dakong 8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng suspek nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team ng MPD-Station 3, matapos na matukoy ang iligal na aktibidad ni alyas ‘Negro’ sa loob ng LRC Compound.
Isang pulis ang naging poseur buyer ngunit habang nag-aabutan ng kontrabando at marked money ay nabangga umano si ‘Negro’ sa baywang ng kanyang kustomer at nakapa ang baril nito.
Dito na umano nakahalata ang suspek na pulis ang katransaksyon at sinabing “Pu….ina mo, pulis ka!” sabay bunot ng baril at pinaputukan ang poseur buyer.
Nakaiwas naman ang pulis na hindi na nag-aksaya ng panahon at kaagad na gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay nito.
Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver at dalawang plastic sachet ng shabu. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN