SA banyo na natagpuan ang mag-ama na namatay sa naganap na sunog sa Malate, Maynila.
Kinilala ang mag-amang sina Abelardo Salonga, 79, at kanyang anak na si Jimmy, 47, nang makulong sa makapal na usok at apoy sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa Adriatico St., Malate.
Ayon kay Manila Fire District Marshall Supt. Antonio Razal, Jr., dakong 3:53 kahapon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa bahay nina Bobby Fernandez at Misael Damposanan sa 2142-52 Camia St., Adriatico, Malate, at kaagad na kumalat sa mga katabing bahay na gawa lamang sa mga light material.
Dahil mabilis na kumalat ang apoy at makapal na usok hindi na nagawang makalabas pa ng bahay ang mag-ama kaya minabuting pumasok sa banyo sa pag-aakalang ligtas sila.
Sa pagtaya ni Razal, aabot sa 125 bahay na tinutuluyan ng may 250 pamilya, ang tinupok ng apoy.
Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa makikitid na kalsada kaya tumagal ang sunog nang halos walong oras bago ito tuluyang napatay.
Tinatayang aabot sa may P2.7-milyong halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng naturang sunog.
Samantala, dakong 3:09 naman ng hapon nang sumiklab ang sunog sa temporary housing site sa Vitas, Tondo, kung saan may 500 pamilya ang nawalan ng tahanan sa pitong oras na sunog.
Wala namang naiulat na nasawi sa sunog na nagsimula sa ikalawang palapag ng Building 28 at umabot ng ikalimang alarma, bago tuluyang naapula dakong 10:46 ng gabi at tinatayang tumupok sa may P3-milyong halaga ng mga ari-arian.
Kapwa iligal na koneksyon ng kuryente ang tinitingnang dahilan ng sunog. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN