IPINAG-UTOS ngayon ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa iba’t ibang departamento ng city hall na ipatupad na nang mahigpit ang ordinansa laban sa pang-aabuso sa mga senior citizen.
Ayon kay Estrada, nais nitong maproteksyunan ang 132,000 rehistradong senior citizens sa lungsod laban sa lahat ng uri ng pang-aabuso at pagpapabaya.
Base sa pag-aaral ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), sinabi ni Estrada na pinakamataas na bilang ang mga anak at apo ng mga senior citizens sa mga pangunahing nang-aabuso sa kanila.
Bagama’t wala pa naman aniyang naitatalang kaso ng pangmamaltrato sa lungsod nitong nakalipas na taon ngunit hindi aniya ito nangangahulugan na hindi na kikilos ang pamahalaang lungsod upang maproteksyunan ang mga matatanda.
Noong Abril 18, 2016, pinirmahan ni Estrada ang Ordinance No. 8488 o ang “City of Manila Ordinance Against Elderly Abuse, Exploitation and Neglect” na akda ni Councilor Ernesto Dionisio, Jr.
Sinasabing ito ang kauna-unahang batas sa bansa na nagbibigay proteksyon sa mga matatanda laban sa anumang uri ng pang-aabuso. Nagpapataw ito ng multa na P5,000 o isang taong kulong, o pareho, sa mga lalabag nito.
Nakikipag-usap na rin ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng city hall, sa mga barangay officials sa paglulunsad ng “rescue assistance” program para sa mga senior citizens.
Mahalaga aniya ang papel ng mga opisyal ng barangay dito dahil kabisado nila ang kani-kanilang komunidad at mga tao dito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN