PANDARAYA ang dahilan kaya isang 30-anyos na lalaki ang kinatay ng kanyang kalaro sa cara y cruz sa Tondo, Maynila.
Nasawi bunsod ng mga saksak sa dibdib ang biktimang si Napoleon Ludwig Pariot, alyas Hamog, walang hanapbuhay, ng Magsaysay St., Tondo.
Nakatakas naman ang suspek na si Jaime Pingol, alyas ‘Topak’, binata, walang trabaho, kalugar ng biktima.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 3:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa Magsaysay St. malapit sa kanto ng Duhat St., Tondo, na sakop ng Brgy. 120, Zone 9, District 1.
Ayon sa tiyahin ng biktima na si Filipina Radomes, 35, bago ang krimen ay naglalaro ng cara y cruz ang biktima at suspek sa naturang lugar.
Gayunman, bigla na lang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga ito na nauwi sa pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima sa dibdib.
Nagawa pa umanong makatakbo ng biktima ngunit hindi pa man nakalalayo ay duguan na itong bumagsak. Isinugod ng ilang saksi sa pagamutan ang biktima pero ‘di na rin umabot nang buhay.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng nagkaroon ng dayaan sa pagitan ng dalawa habang nagsusugal, na nauwi sa pananaksak ngunit iniimbestigahan pa rin nila ang tunay na motibo rito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN