LIMA ang sugatan na agad itinakbo sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) matapos mabangga ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang ambulansya ngayong hapon lamang, Biyernes, sa Blumentritt St., Maynila.
Ayon sa isang nakapanayam na pulis, kabilang sa sakay ng ambulansya ang dalawang lalaki at tatlong babae nang mangyari ang insidente dakong 3:45 sa LRT-Blumentritt station.
Binabagtas umano ng rescue ambulance (NI 4366) ng Brgy. 167, Caloocan City ang northbound lane ng Rizal Ave. nang maabutan ito ng tren mula Tutuban.
Sa lakas ng impact, nagmistulang yuping lata ang ambulansya at nagsitilapunan ang mga pasahero nito.
Ayon sa ilang mga nakakita sa pangyayari, buntis ang isa sa pasahero na noo’y dadalhin na sa ospital.
Sinasabing dahil sa mga nakahambalang na tricycle sa lugar ay hindi na nagawa pang makaiwas ng ambulansya kaya tuluyan itong nabangga ng tren. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN