KRITIKAL ang isang negosyanteng Indian national nang barilin sa harap ng kanyang establisyimento sa Quiapo, Maynila.
Inoobserbahan ngayon sa Metropolitan Hospital ang mga biktimang sina Ashur Kumar, 60, may-ari ng JSM Optical Supply sa kanto ng Evangelista at E. Paterno St., Quiapo, Maynila dahil sa tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan at dalawang tama ng bala sa dibdib.
Sugatan din at nagtamo ng tama ng bala sa hita ang guwardiyang si Jonathan Mesa, nasa hustong edad.
Inilarawan naman ang suspek na naka-pulang polo, pantalon at nakatakip ang mukha na kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.
Sa report ng Manila Police District (MPD)-Plaza Miranda PCP, nangyari ang insidente dakong 10:00 ng umaga sa harap ng establisimiyento na pag-aari ni Kumar.
Nabatid na papasok pa lamang ang biktima sa nasabing establisyimento nang barilin ito ng nag-iisang suspek sa likurang bahagi ng katawan.
Hindi pa nasiyahan ang suspek at muling binaril sa dibdib ang biktima.
Tinangka namang saklolohan ng guwardiya si Kumar kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang suspek ngunit hindi nito tinamaan.
Dito na gumanti ng putok ang suspek kaya tinamaan sa hita ang guwardiya.
Napag-alamang dati na ring may nagtangka sa buhay ni Kumar kung saan hinagisan ng granada at binaril ang kanyang tindahan subalit nakaligtas ito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN