BAGAMA’T sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City gaganapin ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 24, tiniyak pa rin ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada na protektado ang lungsod ng Maynila sa anomang panggguulo.
Gayunman, hindi aniya dapat makampante ang Manila Police District (MPD) lalo’t matindi pa rin ang oposisyon ng mga militanteng grupo sa Martial law sa Mindanao.
“The NCRPO (National Capital Regional Police Office) had said security measures during SONA would be stricter compared to last year because of some issues such as Martial law and the conflict in Marawi,” ani Estrada, “so here in Manila security will also be tight.”
Sa ulat ng MPD, sinabi ni Estrada na gagawing “converging points” ng mga magpoprotestang grupo ang ilang lugar sa Maynila bago tumulak sa Quezon City.
Sinabi naman ni MPD director C/Supt. Joel Coronel na inaasahan nilang magsasagawa ng mga “pocket rallies” ang ilang grupo sa Mendiola, Liwasang Bonifacio, Chino Roces Bridge, at Welcome Rotonda.
Kaya naman kanilang paiigtingin ang intelligence operations at monitoring sa ilang organisasyon bilang suporta na rin sa security planning ng NCRPO, dagdag pa ni Coronel.
Una nang sinabi ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde na pinaplantsa na nila ang security deployment sa SONA sa pangunguna ni Quezon City Police District (QCPD) director C/Supt. Guillermo Eleazar, na tinalagang overall commander ng puwersa ng pulisya sa Batasan Pambansa Complex. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN