DAHIL sa masangsang na amoy, natagpuan ang wala nang buhay at naagnas nang bangkay ng isang chapel volunteer sa loob ng kanyang kuwarto sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ni PO3 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District (MPD)-homicide section, ang biktimang si Jennifer Reyes, 40, walang hanapbuhay, nakatira sa ikalawang palapag ng Hesmie Hospital Equipment Supplies, sa 1650 San Lazaro kanto ng Oroquieta, Manila.
Ayon kay Cayabyab, dakong 2:00 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang kuwarto sa naturang tindahan ng hospital equipment, na pagmamay-ari ng biyenan ng biktima na si Juan Reyes, Jr.
Sa salaysay ng saksing si Cesario Hecto, 50, empleyado ng Hesmie, nabatid na bago nadiskubre ang bangkay ay nakaamoy sila ng masangsang mula sa loob ng establisimyento kaya’t hinanap ang pinagmumulan nito.
Natunton naman nila na nanggagaling ang mabahong amoy mula sa kuwarto ng biktima kaya’t sinilip ito at nakita ang naaagnas na bangkay na nakahiga sa kanyang kama at nilalangaw na.
Kaagad namang ini-report ng mga ito kay Reyes ang insidente, at tinangka nilang buksan ang kuwarto ngunit nakakandado ang pinto nito mula sa loob kaya’t hinintay na lamang ang mga alagad ng batas upang siyang magbukas nito.
Ayon sa mga empleyado ng tanggapan, huli nilang nakitang buhay ang biktima dakong 9:00 ng umaga noong Hunyo 19, matapos na bumili ng pagkain at magkulong ng kanyang kuwarto pagkatapos magtungo sa UST Chapel, kung saan siya nagsisilbi bilang chapel volunteer.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang dahilan ng kanyang pagkamatay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN