PATAY ang isang retiradong opisyal ng Philippine Marines (PM) nang tambangan ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo habang sakay ng kanyang Sports Utility Vehicle sa kahabaan ng Bonifacio Drive, Intramuros, Maynila.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Medical Center Manila si Jojie Umandac, 56, Ret. Master Sgt ng Philippine Marines at nakatira sa 2nd Street, Baseco Cmpd., Port Area, Manila sanhi ng apat na tama ng bala sa dibdib.
Inaalam na sa ngayon ang pagkakilanlan ng riding-in-tandem na tumakas matapos ang insidente sakay ng ‘di naplakahang motorsiklo.
Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD)–Police Station 5, dakong 2:45 ng hapon naganap ang insidente habang sakay ang biktima ng kanyang Mitsubishi Pajero (OMA 999) nang sabayan ng dalawang suspek at pinagbabaril sa nabanggit na lugar.
Nabatid na naihi pa sa kanyang pantalon ang biktima at bahagyang natagalan bago naisugod sa hospital.
Ilang supporters ng biktima ang nakita sa lugar at nagpahayag na nakatakda umano itong tumakbo bilang Barangay Chairman sa nabanggit na lugar sa darating na Barangay election.
Ang biktima ay may anak na pulis-Maynila na nakatalaga sa MPD-PS 11 at ang isa nama’y nasa Philippine Military Academy (PMA).
Patuloy namang iniimbestigahan ng MPD-homicide section ang motibo ng pagpaslang sa biktima at pagkakilanlan ng mga suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN