MAHIGPIT na ipinag-utos ngayon ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pagsasagawa ng foot at mobile patrols sa kahabaan ng Roxas Blvd. at iba pang pangunahing kalsada sa lungsod upang itaboy ang mga nagkalat na street dwellers.
Nilinaw ito ni Estrada na hindi ito crackdown kundi “rescue mission” sa mga taong-kalyeng palaging nasa panganib.
Inatasan na ni Estrada si Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Nanet Tanyag na bumuo ng mga grupo na magpapatrolya sa Roxas Blvd., Kalaw St., P. Burgos St., Taft Avenue, Lawton, at iba pang lugar sa tourist belt.
Ayon kay Estrada, bumalik-balik lang mga street dwellers na ito kapag walang mga awtoridad.
Dagdag pa rito ang mga Badjao, Mangyan at ibang miyembro ng tribo na nanghihingi ng limos sa lungsod.
Nitong Abril lang ay umabot sa 643 street dwellers ang na-rescue ng MDSW. Mula Enero naman ay nakakuha sila ng kabuuang 2,075 na taong-kalye, karamihan dito ay mga hindi taga-Maynila.
Nitong Pebrero lang ay nilabas ni Estrada ang Executive Order No. 10 na nag-aatas sa MDSW at iba pang departamento ng city hall na magsagawa ng malawakang rescue operation sa mga taong-lansangan upang makamit ng pamahalaang lungsod ang hangarin nitong “zero street dweller in the City of Manila.”
Ang nagiging problema natin lang kaya madami pa rin ang street dwellers ay dahil du’n sa mga hindi naman taga-Maynila, mga galing ‘yun sa ibang LGUs meron pang from as far as Cavite,” ani Tanyag.
Aniya pa, tinurn-over nila ang mga street dwellers na ito sa Manila Boystown Complex sa Marikina City na pinamamahalaan ng lungsod kung saan ang mga bata ay pag-aaralin sa Fugoso Integrated School na nagbibigay ng Alternative Learning System (ALS).
Ang mga nasa hustong edad naman ay sasailalim sa iba’t ibang development activities tulad ng skills and livelihood trainings at basic business management courses.
Sa kanilang paglabas ay maaari rin silang i-refer sa Public Employment Service Office (PESO) upang magkaroon sila ng hanapbuhay, dagdag pa ni Tanyag. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN