TODAS ang isang hinihinalang holdaper nang manlaban sa mga awtoridad matapos holdapin ang isang empleyado ng hotel sa Ermita, Manila.
Namatay noon din ang suspek na si alyas Andak, naka-blue T-shirt, camouflage na short pants, tinatayang 25-30-anyos at 4’10 ang taas, sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 1:45 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa Muelle del Rion St., Lawton, Manila.
Bago ito, nag-aabang ng masasakyan pauwi ang biktimang si Mary Joy Pedrina, 31, dalaga, front desk personnel ng Grand Opera Hotel pasado alas-12:00 ng madaling-araw nang sumulpot ang suspek sa kanyang likuran, inakbayan ito habang nakatutok sa kanya ang patalim at nagdeklara ng holdap at puwersahang tinangay ang kanyang bag saka umalis.
Agad namang nag-report ang biktima sa Brgy. 660 na siyang nagsuplong sa Police Community Precinct (PCP)-Lawton.
Mula sa gallery ng mga kriminal, kinilala ng biktima ang suspek dahilan upang magsagawa ng follow-up operation si S/Insp. Randy Veran at mga tauhan nito kung saan naabutan ang suspek sa Muelle del Rio St., Ermita.
Pinatigil ang suspek subalit imbes na sumunod ay nagpaputok ng baril dahilan upang palitan ng putok nina PO1 Salem Chua at PO1 Gerardo Salustiano, Jr. na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Narekober mula sa suspek ang bag ng biktima. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN