LISTAS pa rin sa banta ng terorista ang Maynila.
Ito ang pagtitiyak ni Manila Mayor Joseph Estrada kaugnay sa mga ulat na nakapasok na sa bansa ang grupo ng ISIS.
Sa isang press briefing sa city hall nitong Huwebes, sinabi ni Estrada na ginagawa nila ang lahat upang protektahan ang lungsod.
“Manila is safe as far as I’m concerned,” paniniguro ni Estrada sa kabila ng gulong nangyayari sa Marawi City kung saan ay may mga ISIS militants na umano ang lumahok sa Maute group.
Isa rin aniya itong rason kong bakit niya ipinag-utos kay Manila Police District (MPD) director C/Supt. Joel Coronel na gamitin ang lahat ng “assets” ng MPD sa pagbabantay sa lungsod.
Noong isang buwan lang ay pinawi din ni Estrada ang takot ng publiko nang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na may terrorist cell ng Maute group ang nasa Kamaynilaan upang manggulo.
Ito’y bunsod ng police raid sa Quezon City kung saan nakakumpiska ang mga awtoridad ng improvised explosive device (IED) na plano aniyang pasabugin ng teroristang grupo.
Una nang inatasan ni Estrada ang MPD na magsagawa ng mga security checkpoint sa paligid ng Malacañang na aniya’y isa sa malalaking target ng mga terorista.
Sa isang panayam, sinabi ni Coronel na wala silang natatanggap na “actual and direct threat which will constitute clear and present danger to the security of Manila.”
Siniguro naman ni Estrada na handa ang 4,600 miyembro ng MPD na idepensa ang lungsod anomang oras.
Nitong Marso lang ay bumili si Estrada ng P20-milyong halaga ng mga bagong baril upang palakasin pa ang MPD sa paglaban sa mga kriminal at terorista.
Bukod pa ito sa una na rin niyang binili nitong Oktubre na nagkakahalaga din ng P20-milyon. Kabilang dito ay 400 units ng Glock 9mm. semi-automatic pistols, 60 M4 carbines (shorter and lighter variant of the M16A2 Armalite assault rifle), walong Sig Sauer sniper rifles, mga bala, at iba pang gamit. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN