NANLABAN at napatay sa mga operatibang nagsagawa ng Oplan Tokhang ang isang pinaghihinalaang drug supplier kaninang madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ang suspek na edad 35-40, 5’5 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo na marijuana sa dibdib, may tattoo demonyo na may nakasulat na Almario at Jerry, habang sa likuran ng katawan ay may nakasulat na Samson at Peralta.
Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng MPD-homicide section, naganap ang insidente alas-4:15 ng madaling-araw sa 1040 Paquita St., Sampaloc, Maynila.
Ayon kay P/Supt. Aquino Olivar, commander ng MPD-Police Station 4, ang naturang lalaki ang itinuturong source o supplier ng ipinagbabawal na droga ni Alvin Gonzales, isa sa apat na lalaking unang naaresto ng mga awtoridad sa drug operation noong Agosto 13, dakong 9:30 ng gabi sa 1040 Paquita St., Sampaloc.
Inginuso ni Gonzales ang biktima at nang makumpirma na magdedeliber ito ng iligal na droga sa 1040 Paquita St., Sampaloc sa bandang alas-3:00 ng madaling-araw ay kaagad na nagkasa ng Oplan Tokhang ang mga awtoridad sa lugar upang arestuhin sana ang suspek.
Nang mamataan ang suspek ay kaagad nanahimik at sinundan nina PO1 Paul John Rupinta at PO1 Jul-Mar Abdulhakim, ng University Belt Area (UBA) Police Community Precinct (PCP).
Gayunman, naramdaman ng suspek ang mga nakapalibot na pulis kaya kaagad itong bumunot ng kalibre .38 revolver at pinaputukan ang mga pulis pero kaagad siyang tinamaan nang gumanti ng putok ang mga ito.
Narekober ng mga pulis sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na ginamit nito sa pamamaril at dalawang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN