NASAWI matapos makasagupa ang mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation ang isang 23-anyos na miyembro ng Sputnik gang at tauhan umano ng “Bajar Group” sa Tondo, Maynila.
Ang operasyon ay isinagawa ng MPD-Station 1 kaugnay sa pagkamatay ng isang batang babae na tinamaan ng ligaw na bala.
Idineklarang patay sa Tondo Medical Center ang suspek na kinilalang si Rommel Antona alyas “Pinuno”, ng Aroma Cmpd., Brgy. 105, Tondo.
Sa ulat ni SPO2 Donald Panaligan ng MPD-Homicide Section, alas-12:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa Aroma Cmpd.
Sa imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang MPD Station 1 hinggil sa presensya ng Bajar Group na pinamumunuan umano ng isang Jericho Bajar alyas “Joshua” na pawang armado ng baril kaya agad na nagtungo sa lugar ang mga awtoridad upang arestuhin at itinuturong nagpaputok ng baril na nakapatay sa isang Rosemarie Lopez, 3-anyos, ng Building 30, noong Abril 15, 2017.
Ilang kalalakihan ang namataan ng mga operatiba na pinanguanahan ng Drug Enforcement Unit at Follow-up Team ng istasyon at nagkaroon ng habulan dahil sa pag-iwas ng mga suspek hanggang sa putukan ang mga pulis ng pakay na grupo.
Nakatakas umano ang target na si Joshua habang tinamaan at bumulagta naman si alyas Pinuno, habang hawak ang kalibre .38 baril. Isinugod pa siya sa nasabing pagamutan subalit hindi na umabot nang buhay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN