PATAY sa pananambang ng riding-in-tandem ang isang Japanese businessman na kadarating lamang sa bansa habang sugatan naman ang kanyang kasamang Pinoy sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa Ermita, Manila kagabi.
Kinilala ang biktimang si Seiki Mizuno, 48, pansamantalang nanunuluyan sa Solaire Hotel sa Pasay, at kararating lamang sa Pilipinas nitong Huwebes para sa isang business transaction sa Pinoy businessman na si John Ong Desbarro na nasugatan rin sa insidente.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-homicide section, naganap ang pananambang 8:25 ng gabi sa kanto ng Roxas Blvd. at Cuarteles St. sa Ermita.
Magkasamang sakay ng isang Toyota Alphard (UHQ-319) sina Mizuno at Desbarro, kasama ang apat na iba pa, na kinabibilangan ng tatlo pang Hapones at isang Pinoy, nang bigla na lamang silang sabayan ng riding-in-tandem at pagbabarilin.
Una umanong pinaputukan ng mga suspek ang driver na si Rolando Singsing, ngunit maswerteng hindi tinamaan, bago pinagbabaril ang mga nasa loob ng van, kung saan napuruhan si Mizuno, na bibisita lamang sana sa pabrika ng Oakwave sa Tanza, Cavite.
Ayon kay Singsing, company driver ng Oakwave Philippines, kumain lamang sila sa Harbour View Restaurant malapit sa Quirino Grandstand at pabalik na sana sa kanilang hotel sa Pasay City nang maganap ang krimen.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek na inilarawang naka-T-shirt, shorts at sumbrero.
Masuwerte namang hindi nasugatan ang iba pang sakay ng van.
Inaalam na ng mga awtoridad ang motibo ng krimen at kung sino ang nasa likod nito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN