NANALASA rin sa Quezon City ang buhawing bumayo sa Maynila nitong Linggo ng hapon, Agosto 14.
Ayon sa QC authorities, sa lakas ng hangin ay nabiyak ang pundasyon ng poste ng Manila Electric Company (Meralco) sa Brgy. Santol kaya nawalan ng kuryente ang mahigit 500 kabahayan.
Agad namang pinalitan ng Meralco ang nasirang poste at naibalik agad ang suplay ng kuryente sa lugar.
Isang residente rin ang muntik nang tangayin ng naturang buhawi.
Kwento ni Raffy Canlas, nakasama sana siya sa mga sanga ng puno na nilipad ng malakas na hangin kung hindi siya nakakapit sa railings ng tindahan.
“Nakaupo ako rito, nanonood akong TV… ‘Di na ako makalipat sa kabila, hinihigop ako ng hangin, eh, buti na lang nakakapit ako dito,” ani Canlas.
Tinuklap din ng buhawi ang buong bubong ng isang bahay sa San Isidro St.
Ayon pa sa mga residente, bago nalusaw, binuhat at tila iwinasiwas pa ng buhawi ang ilang tricycle na nakaparada sa lugar.
Nagsilbi itong leksyon sa ilang residente na maging handa sakaling magkaroon ulit ng buhawi pero ipinagdasal nilang hindi na maulit pa ang pangyayari.
Naunang nanalasa ang naturang buhawi sa Intramuros bago ito tumawid sa QC. BOBBY TICZON