IPINAG-UTOS ni Manila Mayor Joseph Estrada na mas bigatan pa ang parusa sa mga “smoking ban violators” sa lungsod.
Ayon kay Estrada, mukhang hindi na sapat ang P500 multa at dalawang araw na kulong upang pigilang manigarilyo ang mga tao sa mga pinagbabawal na lugar.
“We will increase the fine up to P1, 000, or P2, 000 up to P3, 000 with imprisonment. May kasamang imprisonment from one day up to 10 days. Light up or you’ll get lit up,” babala ni Estrada.
Pinadadali na ni Estrada sa Sangguniang Panglungsod ang pagpasa ng Draft Ordinance No. 7812 na magtatakda ng mas mataas na multa sa mga smoking ban violators.
Isang araw bago ang Valentine’s Day, iniutos ni Estrada ang mahigpit na pagpapatupad ng smoking ban sa lungsod ayon sa City Ordinance 7748 na ipinasa noon pang 2011.
Pinagbabawal ng nasabing ordinansa ang paninigarilyo sa mga ospital, paaralan, public buildings, shopping malls, at iba pa, maging sa mga pampublikong sasakyan, sa lungsod.
Magmumulta ng P500 o dalawang araw na kulong ang mga mahuhuling violators.
Sa city hall, sa mga gates na lang ng Arroceros, Taft Avenue at Freedom Triangle maaaring manigarilyo.
Ayon kay District 6 Councilor Casimiro Sison, ang may-akda ng draft Ordinance No. 7812, panahon na upang lalo pang higpitan ang pagpaparusa sa mga smoking ban violators.
“It’s about time, lagi na lang binabalewala kasi there are a lot of ordinances regarding the banning of smoking but never been implemented kasi balewala ‘yung penalty,” ani Sison.
Maski aniya ang mga empleyado ng city hall ay hindi na pinapansin ang smoking ban.
“When we reviewed it, naisip namin na kailangan na itaas. Kagaya na lang sa city hall, sa mga bintana d’un, lahat ng bintana puno ng upos ng sigarilyo,” pahayag ni Sison.
Mula nang maospital nitong Disyembre dahil sa asthma attacks, tinigil na ni Estrada, ang paninigarilyo.
Ayon sa 79-taong alkalde, hangarin niyang pangalagaan ang kalusugan ng bawat Manilenyo mula nang umupo siya noong 2013.
Matatandaang mahigpit na ipinatupad sa Maynila sa kautusan na rin ni Estrada ang smoking ban sa lungsod. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN