Quantcast
Channel: manila – REMATE ONLINE
Viewing all 302 articles
Browse latest View live

2 patay, 1 arestado sa drug ops

$
0
0

PATAY ang dalawang lalaki na nasa drug watchlist ng pulisya habang arestado ang isa sa isinagawang buy-bust operation ng Manila Police District Sation 1 Sa Tondo, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center sina Francis Vallente, 21, walang asawa at trabaho at Sherdy Arellano, 30, kapwa ng 394 Pacheco St., Tondo, Maynila sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Arestado naman ang suspek na si Julius Evangelista, 26, ng kagitingan cor. Bongavilla St., Tondo, Maynila na nakapiit ngayon sa MPD PS 1 Raxa Bago, Tondo.

Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Roderick Magpale ng Manila Police District Homiciide Section, dakong 1:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa bahay ng mga suspek.

Nakatanggap umano ng tawag ang pulisya kaugnay sa pagbebenta ng droga ng mga suspek.

Agad na nagkasa ng buy-bust operation ang operatiba at nang makita ang tatlo ay biglang pumalag ang dalawa at nagpaputok ng baril na ginantihan naman ng mga pulis na nagresulta ng kanilang pagkamatay habang naaresto naman ang isa pa.

Narekober sa mga suspek ang 11 plastic na naglalaman ng shabu at isang kalibre .38.

Sasampahan ng kasong RA 9165 O Dangerous Drug Act comprehensive sa Manila City Prosecutors Office. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Senior high student dumayb sa 11th floor, dedo

$
0
0

MASUSING iniimbestigahan ng Manila Police District-Homicide Section kung nahulog o itinulak ang isang 17-anyos na senior high school student matapos malaglag at matagpuang wala ng buhay sa ikalawang palapag ng isang condominium kahapon sa Sta. Cruz, Maynila.

Ngayong araw lamang nakilala ang labi ng biktima na inilagak sa punenarya na si Joseph Victor Valino, Grade 11 sa Lourdes High School, Quezon City at taga-Tower 5 Unit ll-V sa Avida Tower malapit sa SM San Lazaro sa Sta. Cruz.

Sa imbestigasyon, kinumpirma ng kapatid ng biktima ang pagkahulog nito nang magtungo sa tanggapan ng homicide.

Nabatid naman sa kaibigan ng biktima na si Jay-Jay, 18, na magkakasama pa sila ng pinsan na si AJ na tumagay sa Pedro Gil St. kagabi at kalauna’y hinatid ang biktima sa condo.

Ilang minuto ang nakakalipas, nagpalam si Valino na may gagawin lamang ngunit hindi na ito bumalik pa kaya napagkasunduan ng magpinsan na umuwi na lamang sa pag-aakalang nakatulog na ang biktima.

Dito ay nalaman na lamang nilang patay na si Valino at sinasabing nahulog mula sa ika-11 palapag patungong 2nd flr. ng gusali.

Nagkalasog-lasong ang katawan at nayupi pa ang mukha ng biktima nang madiskubre ng mga awtoridad na wala ring palatandaang nakipag-away ito kaya hinalang nahulog ito. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Lumaklak ng silver cleaner, patay

$
0
0

UMINOM ng panglinis ng silver ang isang 18-anyos na babae na nagresulta ng agaran nitong pagkamatay sa Sta. Ana, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Jennifer Yacap, walang asawa, tindera, ng 316-B New Panaderos St., Sta. Ana.

Sa imbestigasyon ni PO3 Roderick Magpale ng Manila Police District Homicide Section, dakong 10:00 p.m. nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima.

Sinabi ni Joann Laxamana, kasamahan sa trabaho ng biktima, huli niyang nakitang buhay ang biktima kamakalawa sa loob ng kanilang silid at nagising siya dahil sa narinig na pag-unggol mula sa silid ng biktima

Nang kanyang tingnan ay inabutan ang biktima na nanginginig at nang alisin ang nakatakip sa bibig nito ay nadiskubreng bumubula na ang bibig kaya agad itong isinugod sa nasabing pagamutan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago umano nakitang nagpatiwakal ang biktima ay nakita pa itong may kausap sa kanyang cellphone na tila may problema at umiiyak.

Gayunman, patuloy na nagsagawa ng imbestigasyon ng pulisya. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Dating beauty queen, timbog sa droga

$
0
0

SASAMPAHAN ngayong araw ng kaso ang isang dating kandidata ng Binibining Pilipinas at kasamahan nito matapos maaresto nang maaktuhang gumagamit ng iligal na droga.

Si Mariafe Garlit ay naaresto ng kapulisan sa isang drug buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila.

Kasamang nahuli ay isang Ma. Lovella Rival, 43, itinuturong nagbenta ng droga sa mga kapulisan.

Nakuha umano sa mga ito ang ilang plastic sachet ng hinihinalang shabu at ilang mga drug paraphernalia.

Sinasabing si Garlit ay nahirang noong 1992 Binibining Pilipinas bilang Miss Friendship. MARJORIE DACORO

2 rider sa Maynila, Rizal tepok sa aksidente

$
0
0

DALAWANG motorcycle rider ang namatay ngayong umaga sa magkahiwalay na aksidente.

Ang una ay naganap sa Osmena Highway, San Andres Bukid, Maynila pasado alas-3:00 ng madaling-araw.

Namatay ang biktimang si Joshua Mari Webb, 24, makaraang mabangga at makaladkad nang 10 metro ng isang cement mixer truck na minamaneho ni Mario Lamigos.

Nabatid na isang call center agent si Webb at naghatid lamang ng kaibigan sa Pasay City sakay ng motorsiklo na Honda XRM125 (2J9628).

Agad namang naaresto si Lamigos, 46, ng Taytay, Rizal.

Aminado naman si Lamigos na nasagasaan niya si Webb, pero itinaggi nitong nakatulog siya o nakainom.

Samantala, sa Brgy. Maly, San Mateo Rizal, maagang naabala ang daloy ng traffic matapos ang aksidenteng naganap sangkot ang isang motorsiklo, UV Express at dump truck pasado alas-4:00 ng umaga.

Sa ulat mula sa Incident Command and Control Center ng San Mateo, agad namatay ang driver ng motorsiklo matapos ang aksidente.

Nakatakdang i-review ng mga awtoridad ang CCTV footage sa lugar upang matukoy kung ano ang pinagmulan ng aksidenteng sangkot ang tatlong nabanggit na sasakyan.

Dahil sa nasabing aksidente, maagang naabala ang mga motoristang palabas at papasok ng Rodriguez, Rizal.

Pasado alas-6:00 na kasi ng umaga nang maialis sa lugar ang nasawing rider. JOHNNY ARASGA

Magka-live-in, rinatrat ng kaibigan ni mister

$
0
0

PATAY ang isang lalaki habang sugatan ang kinakasama nito matapos pasukin sa kanilang bahay ng kanilang kaibigan at pagbabarilin kagabi sa Tondo, Maynila.

Kapwa isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang mga biktimang sina Dario Debuque, 36, at Analyn Sosa, 32, kapwa ng 1860 Prudencia St., cor. Tayuman St., Tondo dahil sa mga tama ng bala.

Alas-11:14 ng gabi nang ideklarang patay si Debuque habang patuloy namang inoobserbahan sa nabanggit na pagamutan si Sosa dahil sa tama ng bala sa ibabang bahagi ng dibdib.

Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente alas-10:40 ng gabi sa bahay ng magka-live-in.

Ayon kay Sosa, nanonood sila ng telebisyon nang makarinig ng malakas na katok sa kanilang pintuan dahilan para puntahan niya at bahagyang buksan ang pinto.

Nakita nito si alyas Boy Negro, na isa sa kaibigan ni Debuque, at nagmumurang hinahanap ang kinasakasama.

Nang makitang bumunot ng baril ay agad niyang isinara ang pinto gayunman, pinaputukan naman nang sunod-sunod ng suspek ang pintuan dahilan para tamaan ang mga biktima.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo ng suspek na tumakas matapos ang insidente. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Informal settlers sa Maynila, bibigyan ng bahay

$
0
0

MABIBIGYAN na ng maayos na pabahay ang libu-libong informal settlers sa Maynila na nakatira sa mga danger zone sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA).

Ito’y makaraang makipagpulong si Manila Mayor Joseph Estrada kay NHA General Manager Marcelino Escalada kamakailan.

Kabilang sa mga nasa danger zone ay mga nakatira sa riles ng tren, ilog, mga creek, at tambakan ng basura.

“Pinangako ng NHA na bibigyan ng housing assistance ang mga informal settlers, lalo na ‘yung mga naninirahan sa mga tinatawag na danger zones,” ani Estrada.

Ayon pa kay Estrada, magtutulungan ang pamahalaang lungsod at NHA upang mabigyan ng mas maayos at ligtas na tahanan ang mga ISFs.

“Ang Maynila ang kapital ng bansa ngunit tayo’y may pinakamaraming informal settlers,” ani Estrada. “Hangarin nating mabigyan sila ng mas maayos na tahanan dahil karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng matutuluyan.”

“Mga alagang aso nga ‘pag umaaraw at umuulan, sinisilong. Tao pa kaya,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ni Estrada na mahigpit na pinatutupad ng kanyang administrasyon ang “No relocation, No demolition” polisiya ni Pangulong Duterte kaugnay sa mga informal settlers.

Mula noong 2013 ay naialis ni Estrada sa mga danger zones ang 7,403 ISFs at 500 dito ang nai-relocate sa Bulacan, Cavite, at Laguna.

Sa ilalim ng kanyang Land for the Landless program, 257 pamilya na ang nabigyan niya ng lote habang 32 pa ang nabigyan ng bahay at lupa sa P44.5-milyong housing project sa Sitio Dubai sa Baseco Compound.

Ayon kay Estrada, halos kalahati ng dami ng informal settlers sa Metro Manila ay nasa Maynila. Umaabot na sa 2.8-milyon (556,526 pamilya) ang informal settlers sa Kamaynilaan noong 2010.

Sa bilang na ito ay 104,000 pamilya ang naninirahan sa mga danger zone, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa Maynila, pinakamarami ang ISFs sa 107 barangay na dinadaanan ng malalaking waterways tulad ng Pasig River, San Juan River, Estero de Maypajo, at Estero de Sunog Apog. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Bebot sa drug watchlist, patay sa tandem

$
0
0

PATAY ang isang 27-anyos na babaeng nasa ‘drug watchlist’ ng pulisya matapos barilin ng riding-in-tandem sa harap ng kanyang bahay habang nagti-text sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni SPO2 Jonathan Ruiz, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktimang si Bernadette Ricasa, ng 188 Osmena St., Tondo na tinamaan ng bala sa kaliwang sentido.

Isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center ng kanyang bayaw na si Jason ngunit namatay din.

Sa impormasyong nakuha ng MPD-HS, ang biktima at kinakasama nitong si Jason Santiago ay sinasabing nasa drug watchlist.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga gunman. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


4 durigista bumulagta

$
0
0

BUMULAGTA ang apat na drug personalities matapos manlaban sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Maynila kagabi.

Unang iniulat na napatay sa operasyon sina Cyril Raymundo, 29, na siyang target ng operasyon; Eduardo Aquino, 44; at Edgar Cumbis, 47, pawang mga residente ng 565 Delpan St. sa Binondo alas-11 kagabi.

Nabatid na nagkaabutan na ng pera at shabu sina Raymundo at ang poseur buyer na si PO2 Warren Castillo, nang makatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon.

Agad na bumunot ng baril ang mga suspek at nagpaputok sa mga pulis dahilan para sila’y gantihan na ikinamatay ng mga ito.

Nakumpiska mula kay Raymundo ang tatlong plastic sachet ng shabu, P500 marked money, at isang improvised break-open type pistol na loaded ng isang kalibre .556 live bullet, habang si Aquino naman ay nakuhanan ng anim na plastic sachet ng shabu at isang kalibre .22 revolver at si Cumbis naman ay nakuhanan ng tatlong plastic sachet ng shabu at isang kalibre .38 baril.

Ayon kay Police C/Insp. Leandro Gutierrez, hepe ng Station Anti-Illegal Drug–Special Operation Task Unit ng MPD-Station 11, ang grupo ni Raymundo ang nagbebenta ng iligal na droga sa mga area ng Delpan, Sta. Cruz, Parola at Escolta sa Maynila at kabilang rin sa drugs watchlist ng MPD.

Samantala, dakong 2:20 ng madaling-araw naman nang mapatay sa buy-bust operation ang suspek na si Christopher Barcenas, nasa hustong gulang, sa loob mismo ng kanyang tahanan sa 2057 Onyx St. sa Paco.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO2 Sigmur John Muros, na naisagawa na ang transaksyon sa iligal na droga, ngunit nang sumignal ang poseur buyer na si PO1 Jayson Niegos sa kanilang mga kasamahan ay nakahalata ang suspek kaya’t bumunot ito ng baril.

Nang maramdaman ni Niegos na nanganganib ang kanyang buhay ay bumunot ito ng baril at pinaputukan ang suspek na nagresulta mg kanyang kamatayan.

Narekober mula sa suspek ang anim na sachet ng shabu, anim na sachet ng marijuana, isang kalibre .38 revolver at P200 na marked money. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Anak patay, ina arestado sa buy-bust

$
0
0

PATAY ang isang 27-anyos na lalaki habang arestado ang ina nitong drug pusher sa isinagawang buy-bust operation ng Manila Police District-Station 10 sa Pandacan, Maynila kagabi.

Kinilala ang nasawing si Sammer Torculas, ng no. 2273 Linceo St., Pandacan, Maynila.

Arestado naman ang ina nitong si Glodchedge Torculas alyas “Gigi”, 51, kilalang tulak ng iligal na droga sa lugar.

Sa ulat ni SPO2 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section, alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng pamilya Torculas.

Sa pangunguna ni P/S Insp. Jake Arcilla ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit ng MPD-Station 10, inatasan nito ang isa sa operatiba na bumili ng halagang P500 halaga ng shabu sa suspek na si Gigi.

Habang bumibili ng droga ang poseur-buyer ay inutusan ni Gigi ang anak na kunin ang epektos at iabot sa bumibili.

Nang mamukhaan umano ang pulis ay napasigaw ang anak ng “Ma, Putang ina ..pulis ‘yan” sabay bunot ng baril at ipinutok sa pulis.

Mabilis namang nakaiwas ang pulis at maagap itong nirespondehan ng kanyang back-up na operatiba at pinaputukan si Sammer na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Narekober ang apat na plastic sachet ng shabu at kalibre .38 pistola na ginamit sa pamamaril.

Nakapiit naman sa MPD-Station 1 si Gigi na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 section 5 at 11 o drug pushing at illegal drug possession. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

2 binatilyo dedo sa rambol

$
0
0

DALAWANG binatilyo ang patay matapos magkasagupa ang dalawang grupo ng kabataan sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa kuha ng CCTV, nagrambulan ang grupo ni Jayvee Agustin at Genesis Tolentino .

Imbes naman na umawat ang ama ni Genesis na si Efren ay nakisali pa ito at kumuha nang panaksak kung saan nasaksak si Jayvee at kasamahan nitong si Neil Yamson, 20.

Ayon kay Armi, ina ni Neil, nadamay lamang ang kanyang anak sa away ng kanyang mga kaibigan gayunman, hindi aniya dapat kinunsinti ng matandang Tolentino ang away ng kanilang mga anak.

Nabatid na sa barangay ay may rekord din si Jayvee matapos nitong awayin ang isa ring bata sa lugar.

Tiniyak naman ng pamilya ng mga nasawi na tuloy ang kanilang pagsasampa ng kaso sa mag-amang suspek.

Si Efren na nagtamo rin ng sugat sa mukha ay inaresto ng mga pulis sa ospital.

Tumakas naman ang anak nito sakay ng motorsiklo. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Kelot tigok sa buy-bust ops

$
0
0

DAHIL pumalag sa mga pulis, patay ang isang lalaking target ng buy-bust operation ng Manila Police District Station 10 sa Barrio Banana, Pandacan, Maynila pasado hatinggabi.

Kinilala ang napatay na si Randy Balaguer, na nasa drug watchlist ng MPD Station 10.

Nasa P500 sana ang halaga ng shabu dapat ang bibilhin sa kanya ng operatiba, pero bago pa magkabayaran, natunugan ni Balaguer na pulis ang kanyang katransaksyon kaya pinaputukan nito ang pulis.

Hindi naman nagdalawang-isip ang mga pulis na gumanti ng putok na agad ikinasawi ng suspek.

Nakakuha ang SOCO sa crime scene ng cal. .38, tatlong basyo ng 9mm, isang sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Si Balaguer ay dati nang sumuko sa Oplan Tokhang pero sa impormasyon na natanggap ng awtoridad, patuloy pa rin ito sa pagbebenta ng iligal na droga. JOHNNY ARASGA

3 todas sa buy-bust

$
0
0

TATLONG lalaking hinihinalang tulak ng iligal na droga ang patay nang manlaban sa magkasunod na buy-bust operation na isinagawa sa magkahiwalay na lugar sa Maynila kagabi.

Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Frederick dela Cruz, alyas ‘Totoy Kuryente,’ 33, miyembro ng Sigue-sigue Sputnik gang, at taga-Riverside Katuparan, Brgy. 101, Tondo; Jay-R Estreller, alyas ‘Gigi,’ 30; at alyas ‘Aga,’ nasa hustong gulang, kapwa ng 1616 Crisolita St., San Andres Bukid.

Nabatid na unang tinarget ng buy-bust operation si dela Cruz, dakong 11:20 ng gabi sa harapan ng Building 11, Aroma Temporary Housing sa Tondo.

Isang plastic sachet ng shabu ang nabili mula sa suspek ang poseur buyer ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 1 at nang mahalatang pulis ang katransaksyon ay agad bumunot ng baril ngunit walang tinamaan.

Bunsod nito, gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta ng kamatayan ng suspek, na tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver, anim na plastic sachet ng shabu at P200 buy-bust money.

Dakong 12:30 ng madaling-araw naman nang isagawa ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 6 ang buy-bust operation laban kina Estreller at alyas ‘Aga,’ sa loob ng kanilang tahanan.

Halagang P500 naman ang nabili ng poseur buyer sa mga suspek na unang bumunot baril bago ito naputokan naman ng mva pulis kaya sila napatay.

Narekober mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver, na may anim na bala, isang kalibre .22 revolver na may limang bala, at 16 na plastic sachet ng shabu. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Kelot, utas sa ‘bisaya’

$
0
0

UTAS ang isang 22-anyos na tricycle driver matapos saksakin ng gate keeper na tinawag ng una na “bisaya” kagabi sa Ermita, Maynila.

Idineklarang patay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Jaytino Naves, 22, tricycle driver, ng 1217 L. Guerrero St., Ermita.

Naaresto naman ang suspek na si Jade Bonifacio, 22, gate keeper at taga-422 Arquiza St., Ermita.

Alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng Commodore Bldg. sa Arquiza St..

Kasama ring naaresto ni Bonifacio sina Cris Villegas, 32, pintor at Nick Borrocum, 26, security guard, ng Blk. 218, Lot 2, Phase 2 Mabuhay Subd., Brgy. Mamatid, Cabuyao, Laguna matapos makipagrambulan sa biktima at sa kasama nitong si Romy Gonzales, 50, construction worker, na ngayo’y ginagamot pa.

Sa pahayag ni Bonifacio, nag-iinuman sila sa harap ng gusaling binabantayan nang tawagin silang mga “bisaya” ng biktima na umano’y nagalit sa kanila nang imbitahan nilang makipag-inuman ang kasama niyang babae.

Nilapitan umano sila ng biktima at kasama nito saka kinompronta bago pumasok si Bonifacio sa loob ng gusali pero sinundan pa rin siya ng biktima at dito na nagsimula ang rambulan na naging dahilan para masaksak ang biktima at mapatay. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Pang-asar na street sweeper, todas sa 82-anyos

$
0
0

TODAS ang isang 35-anyos na street sweeper matapos barilin ng isang 82-anyos na negosyante na kanyang na-bully sa Sampaloc, Maynila.

Hawak ngayon ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS) ang supek na kusang sumuko matapos tumawag sa 117  si Domingo Jamero, Jr., ng 973 Basilio St., Sampaloc.

Dinala pa sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Marvin Pizarras, 35, ng 976 Basilio St., Sampaloc, Maynila ngunit binawian din ng buhay.

Depensa ng suspek, hindi niya intensyong mapatay ang biktima ngunit nagsunod-sunod ang pambabato sa kanya kaya doon na niya nakalabit ang trigger.

Ayon pa sa biktima, nais sana nitong patamaan lamang sa ibabang parte ng katawan ngunit sa likurang bahagi ng ulo ito tinamaan.

Nag-ugat umano ang pagsasagutan ng suspek at biktima dahil sa kariton ng basura na malimit umanong inihaharang ng biktima sa drive way ng bahay ng suspek.

Nabatid na ilang beses na umano niyang pinagsabihan ang biktima na huwag iharang sa kanilang driveway ang kariton ng basura pero sa halip na sumunod ay pinagbabato pa siya.

Kasong homicide ang kakaharapin ng suspek sa Manila Prosecutors Office (MPO). JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN


Secret agents, ipakakalat ni Erap vs tiwaling traffic enforcers

$
0
0

UPANG mahuli ang mga tiwali at pala-absent na traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), magpapakalat ng mga undercover inspectors o secret agents ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, ang nasabing mga undercover inspectors ay mag-iikot sa kanilang puwesto upang matsek ang mga traffic enforcers at malaman ang kanilang kanilang ginagawa.

“Sa pamamagitan nito, madali nating masisibak ang mga enforcers na hindi karapat-dapat sa tungkulin,” ani Estrada.

Babala pa niya, mahigpit niyang ipapatupad ang “one-strike” policy laban sa sinumang MTPB enforcers na mapapatunayang hindi nagtatrabaho nang maayos o sangkot sa mga iligal na gawain.

Nitong Nobyembre 28, sinibak ni Estrada ang lahat ng 690 traffic enforcers ng MTPB dahil sa dami ng natanggap niyang reklamo laban sa mga ito.

Pansamantala silang pinalitan ng mga miyembro ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU).

Sa kasalukuyan, sa pangunguna ng MPD-TEU, sinasailalim ngayon ang unang grupo ng 92 mga bagong enforcers.

Pokus ng nasabing retraining ang disiplina, proper decorum at posture, at physical fitness. Tinuturuan din sila ng basic road accident investigation, rescue and first aid, at basic self-defense techniques.

Ayon kay MTPB chief Dennis Alcoreza, magdadagdag sila ng marami pang inspectors.

“Marami tayong miyembro ng inspectorate na umiikot, walang ibang ginagawa ‘yan kundi ikutin ang areas of responsibility ng MTPB,” paliwanag niya.

“Hindi sila nakikilala ng MTPB enforcers, naka-sibilyan, nagro-rotation. Base nga sa report nila, halos lahat ng ating enforcers noon ay hindi na pumapasok, kumokolekta na lang ng sahod,” dagdag pa ni Alcoreza.

Aniya, minsan pa nga ay nagpapanggap pa na motorista o pedestrian ang mga inspectors na ito upang mahuli sa akto ang mga tiwaling MTPB enforcers. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Paslit, tinangay habang nangangaroling

$
0
0

ISANG walong-taong gulang na lalaki ang hinihinalang kinidnap ng isang babae habang nangangaroling sa Sampaloc, Maynila.

Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Women and Children’s Protection Unit (WCPU) para matunton ang kinaroroonan ng biktimang si John Ren Manzano, ng Algeciras St., sa Sampaloc, na sakop ng Brgy. 450, Zone 45.

Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, na inilarawang edad 40 – 45, may taas na 5’3,” at mahaba ang buhok.

Batay sa reklamo ni Aileen Cansino, ina ng biktima, nabatid na huling nakita ang biktima dakong 6:35 ng gabi nitong Sabado, Disyembre 17, habang mag-isang nangangaroling sa kanilang mga kapitbahay malapit lamang sa kanilang tahanan.

Isa umano sa kanilang mga kapitbahay na nangangaroling din ang nakapagsabi na nakita nila ang biktima na akay-akay ng suspek habang papalayo sa lugar at mula noo’y hindi na ito nakabalik pa sa kanilang bahay.

Kaagad namang nagtungo sa pulisya si Cansino upang i-report ang pagkawala ng kanyang anak.

Ayon naman sa mga awtoridad, una na ring nahuli ang suspek dahil sa pagkidnap ng mga bata sa Ceronimo St. sa Sampaloc subalit hindi pa mabatid kung paano ito nakalabas.

Ikinalat na rin noong una ang larawan ng suspek sa Facebook upang magsilbing babala sa mga magulang. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Meat dealer, todas sa tandem

$
0
0

ISANG meat dealer ang pinagbabaril ng riding-in-tandem kaninang madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Namatay habang ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Hector Borja, 47, meat dealer, ng 06 San Jose cor. Lacson St., Tondo, sanhi ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Hindi naman nakilala ang mga suspek na tumakas matapos ang pamamaril lulan ng motorsiklo.

Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale, ng Manila Police District –Homicide Section, nabatid na alas-3:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Lacson Ave., kanto ng Simoun St. sa Tondo.

Kasalukuyan umanong nakatayo ang biktima sa naturang lugar nang hintuan ng mga suspek at kaagad pagbabarilin, bago humarurot patungo sa Ugbo St.

Patuloy na inaalam ng awtoridad ang motibo ng pamamaslang at pagkakilanlan ng mga suspek. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Lalaki, todas sa pulis-Bicutan

$
0
0

TODAS ang isang 39-anyos na lalaki nang barilin ng isang pulis-Bicutan sa Tondo, Maynila kaninang umaga.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Augusto Bulan, ng Pier 18 Vitas St., Balut, Tondo, Maynila sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si PO2 Roderick Maniti, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) at taga-Malabon City.

Sa ulat ni SPO2 Milbert Balingan ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 5:20 ng umaga nang naganap ang insidente sa C. M. Recto malapit sa panulukan ng Sto. Cristo St., Tondo.

Sa imbestigasyon, katatapos lamang rolyohin at ayusin ng biktima at ni Rodolfo Rivera, 16, ang isang electrical wire at habang naglalakad upang ihatid sa isang warehouse ang narolyong wire ay nakasalubong nila ang suspek at binati ang biktima at sinabing “Ok ka lang Pare”.

Gayunman, hindi pinansin ng dalawa ang suspek na ikinagalit naman ng huli dahilan para bumunot ng baril at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima.

Hindi pa nakuntento ang suspek, muli pa nitong nilapitan ang biktima at muling binaril saka kaswal na naglakad papalayo sa lugar.

Ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa Sol Funeral para sa safekeeping at awtopsiya. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Karpintero, utas sa trike driver

$
0
0

NAPAGBALINGAN lamang ng galit matapos umawat sa away ang isang 48-anyos na karpintero na sinaksak ng tricycle driver kagabi sa Tondo, Maynila.

Patay na bago dumating sa Ospital ng Tondo ang biktimang si Romeo Agocejo, ng 753 A Kagandahan St., Tondo, Manila sanhi ng mga saksak sa katawan.

Tumakas naman ang suspek na si Anthony dela Paz, alyas Mark, 33, may-asawa, ng 750 Interior 15 J. A. Planas St., Gagalangin, Tondo.

Sa ulat ni SPO2 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-6:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa G. Perfecto St. malapit sa panulukan ng Kagandahan St., Gagalangin.

Nauna rito, kararating lamang ng biktima sa trabaho ng nasabit sa pakikipagkwentuhan sa kanyang kapitbahay na si Jack Lou Hernandez hanggang sa dumating ang suspek na armado ng patalim at sinabihan ang huli na “Ano ngayon, kayo matatapang” at walang sabi-sabing sinugod ito ng saksak.

Nakailag si Hernandez kaya namagitan ang biktima subalit ikinagalit ito ng suspek kaya siya naman ang binalingan at inundayan ng saksak na agad napuruhan sa dibdib.

Bagama’t may tama, tumakbo papalayo ang biktima subalit hinabol siya ng suspek hanggang sa madapa ito at muling pinagsasaksak hanggang sa mawalan na ng malay.

Kasalukuyang nakalagak ang bangkay ng biktima sa Amurao Funeral Homes para sa safekeeping at awtopsiya. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

Viewing all 302 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>